Planong direct sugar importation, wala pang pinal na desisyon

Planong direct sugar importation, wala pang pinal na desisyon

August 20, 2022 @ 9:45 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Hanggang sa kasalukuyan ay wala pang pinal na desisyon ang gobyerno ukol sa planong direct sugar importation ng malalaking food at beverage firms.

Gayunman, sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na seryosong kinokonsidera ng pamahalaan ang panukalang payagan ang mga food manufacturers na direktang umangkat ng asukal.

“I-a-announce po namin kapag final na po ito. It is a proposal and seriously being considered,” ayon kay Cruz-Angeles.

Araw ng Martes, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na target ng pamahalaan ang direct importation ng local good manufacturers bilang bahagi ng “emergency measures” para tugunan ang kakapusan sa suplay ng asukal

Ang nasabing plano ay nangangailangan ng pagsang-ayon sa Sugar Regulatory Administration (SRA), kung saan kasalukuyang pinuno si Marcos.

Sinabi ni Cruz-Angeles ang pag-inspeksyon ng mga bodega ay magpapatuloy upang madetermina kung ang mga hoarders ay lumikha ng “artificial” shortage ng asukal.

“Tuluy-tuloy kasi ‘yung operasyon natin dito sa pag-inspect sa mga warehouse, so we can get to the bottom of what appears to be an artificial shortage. Whether or not it is artificial will depend on the evidence produced by these warehouse operations,” aniya pa rin.

Samantala, sinabi naman ni Cruz-Angeles na sabay-sabay ang operasyon na ginagawa ngayon sa Deparo, Caloocan City; Tondo at San Nicolas sa Maynila; Rosales, Pangasinan; San Fernando, Pampanga; Ibaan, Batangas; at Davao.

“Nagpapatunay ito, sabi ni Executive Secretary Vic Rodriguez, na seryoso ang pangangampanya natin para malinis ang sindikato ng hoarding at illegal importation ng asukal,” aniya pa rin.

Nauna rito, binasura ni Pangulong Marcos ang panukala ng SRA na mag-angkat ng 300,000 MT ng asukal

Gayunman, inanunsyo nito sa kanyang weekly vlog, araw ng Linggo na plano ng administrasyon na mag-angkat ng 150,000 MT kung kinakailangan kapag nagkaroon na ng kakapusan sa suplay ng asukal.

Sa ulat, nakagawa na ang DA ng draft ng panukala na mag-angkat ng 150,000 MT ng asukal, nakikitang makapagpapataas ng suplay ng asukal na ginagamit ng food manufacturing. Kris Jose