Planong lipat-opisina ng OVP sa Mandaluyong, mas makabubuti – spox

Planong lipat-opisina ng OVP sa Mandaluyong, mas makabubuti – spox

September 21, 2022 @ 6:43 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Mas makabubuti sa operasyon ng Office of the Vice President ang lipat-opisina nito mula Quezon City patungong Mandaluyong City.

Ito ang inihayag ng tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte na si Atty. Reynold Munsayac nitong Martes, Setyembre 20.

“Nung pinuntahan ho namin ‘yung lugar, medyo masikip, siksikan ‘yung ibang empleyado. ‘Yung iba ho nagsha-share na lang ng lamesa,” ani Munsayac.

Kung babalikan kasi ay mayroong dalawang lokasyon ang opisina ng OVP, ang isa ay matatagpuan sa Quezon City Reception House sa New Manila at ang isa naman ay sa Ben-Lor Building ng Quezon Avenue.

“Kaya naisip po namin na maganda ho siguro sa isang ahensya, lahat ng empleyado, pinuno, o opisyal, sama-sama lahat sa ilalim ng iisang bubong. Mas efficient din ho iyan dahil hindi na tumatagal ang pag-ikot ng dokumento, ‘yung mga magpapapirma, hindi na kailangang bumiyahe,” dagdag pa niya.

Pauna naman ni Munsayac sa maaaring kritisismong matanggap tungkol sa lipat-opisina, hindi umano ito luho at ang nais lamang nila ay magkaroon ng mas mabisang operasyon ang OVP.

“‘Yan po ay hindi luho. Mas hinangad po namin ‘yung efficiency. Ang problema ho ay ‘yung iba, nagkakaroon agad ng konklusyon nang hindi naman kumpleto ang kanilang facts.” RNT/JGC