Planong pagbuwag sa ARTA, pinalagan ng ilang grupo

Planong pagbuwag sa ARTA, pinalagan ng ilang grupo

October 24, 2022 @ 2:05 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Naniniwala si Atty. Ariel Inton ng Lawyers for Commuters Protection na kung gusto ng Pilipinas na maging foreign investor destination ang bansa kailangan maisaayos ng pamahalaan ang problema sa Red Tape na siya umanong pumapatay sa mga negosyo sa bansa.

Ayon kay Inton dapat mabawasan kundi man tuluyang mawala ang Red Tape sa bansa lalo na sa business sector upang tuluyan makabangon ang ekonomiya sa epekto ng pandemya.

“Dapat mabawasan kundi man tuluyang mawala ang “Red Tape” upang tuluyang umunlad ang mga negosyo” ani Inton.

Sa telephone interbyu sinabi ni Inton na ganito rin ang mungkahi ng mga eksperto “Reduce Red Tape” ito ang payo ni Ambassador Franz- Michael Mellbin ng bansang Denmark kung gusto natin maging foreign investment destination ang Pilipinas.

“Tanungin na lang natin ang mga ordinaryong mamamayan sa kanilang karanasan sa pagkuha ng permit o dokumento. O kayay mga negosyante. Ito ang pangunahing dahilan kung bakit laganap ang fixer ” ani pa ni Inton.

Idinagdag pa niya na dati ring konsehal ng Quezon City, kahit kumpleto naman ang requirements na pinasa ng isang negosyante ay nahihirapan pa rin ito makakuha ng permit subalit kapag sa fixer, kahit kulang ang dokumento ay mabilis ang proseso ng mga dokumento.

Ito ang dahilan kung bakit naisabatas ang RA 11032 o Ease of Doing Business And Efficient Government Services Delivery Act at ang implementing agency nito na Anti-Red Tape Authority (ARTA).

Ayon pa sa lider ng Commuters Protection, naging sumbungan ng ordinaryong mamamayan ang ARTA na biktima ng red tape.

Kaya’t nakapagtataka na may ilang gusto ipabuwag ito at mas nakapagtataka na mismong ang Ombudsman na dapat katuwang ng ARTA sa paglaban sa korapsyon ang gustong nangunguna rito.

Sinabi pa ni Inton na isa sa mga prayoridad ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ay pasiglain ang ekonomiya. Santi Celario