Planong pamamahiya kay PBBM ng US-PH groups kinumpirma ni Enrile

Planong pamamahiya kay PBBM ng US-PH groups kinumpirma ni Enrile

June 16, 2022 @ 6:45 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Ibinunyag ni dating Senate President Juan Ponce Enrile ang sabwatan para kutyain at ipahiya si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. upang dungisan ang reputasyon nito.

Tinukoy ni Enrile na ang impormasyon ay base sa isang mapagkakatiwalaang source kung saan nagbabala siya na may ilang grupo mula sa Estados Unidos at Pilipinas ang sinasabing magkasabwat upang gawan ng gulo si Marcos.

“I just picked up what I consider to be a credible information that there are groups in America and in the Philippines planning and preparing to cause serious embarrassment and trouble for our newly-elected President,” ang pahayag nito sa kanyang Facebook post.

Hindi naman dinetalye ni Enrile ang sinasabing sabwatan para dungisan ang imahe ni Marcos.

Gayunman, sinabi nito na magbibigay siya ng karagdagang detalye sa “proper official” ng incoming Marcos administration “in due time.”

“Caution is the name of the game. You are just starting you[r] travel in troubled waters. Your adversaries have not stopped. To borrow a phrase from someone, right now ‘they are hiding their brightness and biding their time,’” ayon kay Enrile.

Pinayuhan naman ni Enrile ang incoming security officials ng administrasyong Marcos na paigtingin ang kanilang intelligence gathering.

Sinabi nito na ang “soft and pacific” na paninindigan para payapain ang mga kritko ay hindi magandang ideya.

“I have a humble unsolicited advice for the national security officials of the new regime. Instead of making soft and pacific statements seemingly intended to quiet and to gain the cooperation, trust, and confidence of the habitual trouble makers in this country, I suggest that they should sharpen their intelligence information,”ayon kay Enrile.

Ang babala ni Enrile ay inihayag nito dalawang linggo bago pa ang oath-taking ni Marcos bilang pang-17 Pangulo ng bansa.

Idaraos ang inagurasyon ni Marcos sa National Museum of the Philippines sa Maynila sa Hunyo 30. Kris Jose