Plastic recycling program sa Pasay inilunsad

Plastic recycling program sa Pasay inilunsad

June 7, 2022 @ 3:05 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Pasay sa pakikipagtulungan ng Coca Cola Philippines ang plastic recycling program na may temang “Tapon to Ipon: Basta Klaro Panalo” na ang pangunahing layunin ay mai-convert ang mga boteng polyethylene terephthalate (PET) kapalit sa produkto ng nabanggit na kumpanya ng softdrinks.

Sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano na ang “Tapon to Ipon: Basta Klaro Panalo” ay nailunsad nitong nakaraang Sabado (Hunyo 4) sa Stanford basketball court sa Barangay 65, Pasay City.

Ayon kay Calixto-Rubiano, ang proyekto ay nasa ilalim ng E ng kanyang agendang HELP (Health and housing, E-education, economic growth and environment, L-livelihood and lifestyle, P-peace and order, palengke at pamilya.

Paliwanag pa ni Calixto-Rubiano na ang makokolekta ng residente na isa at kalahating kilo ng bote ng PET ay maaari nang ipagpalit ng kahit anong produkto ng Coke sa mga collection hub partners tulad ng EDM Store, 2407 M. Dela Cruz, Pasay City; Rhyelnetts Eatery, 2193 J. Luna Street; Omar Minimart, 2642 Tramo Street; Jacquelyn Store, 2413 P. Villanueva Street; Bhebang Store, Market Rd. cor. Taft Ave., Pasay City; at Freya Consumer Good Store, 2336 Leveriza St., Brgy. 40, Pasay City.

Dagdag pa ni Calixto-Rubiano na ang mga boteng maaaring ipagpalit ng kahit anoumang produkto ng Coke ay ang mga may label na “I” na ang ibig sabihin ito ay walang kulay, malinis, walang anumang laman sa loob ng bote, at boteng hindi basa ang loob o tuyo.

Ani pa Calixto-Rubiano, ang naturang proyekto ay makatutulong din sa pagiging malinis na kapaligiran ng lungsod. James I. Catapusan