Plebisito sa Cavite, kasado na! – Comelec

Plebisito sa Cavite, kasado na! – Comelec

February 23, 2023 @ 6:12 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Kasado nang magdaos ng special elections ang Commission on Elections (Comelec) sa ikapitong distrito ng lalawigan ng Cavite sa Sabado, Pebrero 25.

Ayon kay Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, lahat ay nakahanda na para sa nasabing aktibidad kabilang ang vote counting machines dahil ang mga botante ay gagamit ng automated election system (AES) para ihalal ang kanilang bagong kinatawan.

Sinabi ni Laudiangco na nasa 355,184 na botante ang inaasahang lalahok sa mga espesyal na botohan.

May apat na aspirants na tumatakbo para sa botohan, sina Crispin Diego Diaz Remulla (National Unity Party), at mga independent candidates na sina Jose Angelito Domingo Aguinaldo, Melencio Loyola De Sagun, Jr. at Michael Angelo Bautista Santos.

Itinakda ang special elections matapos ang Kamara ng mga Kinatawan ay magpasa ng isang resolusyon na nagdedeklara ng vacancy sa naturang distrito.

Sinabi ng Comelec na magkakaroon ng random manual audit (RMA) na gaganapin sa mga piling clustered precincts dahil ang botohan ay gagamit ng AES. Jocelyn Tabangcura-Domenden