Plebisito sa Marawi mapayapa, matagumpay – Comelec

Plebisito sa Marawi mapayapa, matagumpay – Comelec

March 19, 2023 @ 8:52 AM 2 days ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Commission on Elections (COMELEC) at National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) na generally smooth at peaceful ang plebisito sa Marawi City.

Binisita ni Comelec Chairman George Erwin Garcia ang mga voting centers upang tignan ang sitwasyon at sinabing aabot sa mahigit 90 porsyento ang voter turnout.

Iniulat din ng NAMFREL na sa pangkalahatan ang plebisito ay mapayapa, at ang mataas na turnout ay maaaring maiugnay sa kasabikan ng mga tao na bumoto.

“As early as 9:30 a.m. in one polling place in Bito Elementary School, 133 out of 142 registered voters had already cast their votes. In another polling place in the same school, 275 out of 329 voters had already voted by 10 a.m.,” saad ng NAMFREL.

Binanggit din ng NAMFREL na kabataan ang may pinakamataas na bilang ng mga botante.

Natapos ang botohan alas-3 ng hapon at agad na isinagawang ang bilangan pagkatapos.

Magsusumite ng pinal na ulat sa COMELEC ang NAMFREL tungkol sa kanilang mga obserbasyon, pagtukoy sa mga lugar na maaaring higit pang palakasin at magrerekomenda ng mga hakbang upang makatulong na matiyak ang pagsasagawa ng mas ligtas at mas mahusay na mga pagsasanay sa halalan.

Idinaos ang plebisito sa Marawi upang pagtibayin ang paglikha ng Barangay Boganga II at Datu Dalidigan.

Kinilala ng COMELEC ang NAMFREL bilang citizens arm para sa Marawi Plebiscite.

Para sa electoral exercise, nagtalaga ang NAMFREL Lanao del Sur ng team ng mga volunteer upang obserbahan ang mga pamamaraan sa araw ng plebisito sa dalawang sentro ng pagboto. Jocelyn Tabangcura-Domenden