Plenary assembly ng CBCP, sinimulan ng protesta para sa hustisya ng mga paring pinaslang

Plenary assembly ng CBCP, sinimulan ng protesta para sa hustisya ng mga paring pinaslang

July 7, 2018 @ 4:12 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Pormal nang sinimulan ng mga obispong miyembro ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pagdaraos ng kanilang regular na plenary assembly sa Pope Pius XII Catholic Center, Paco, Manila.

Ang pagbubukas ng naturang plenary assembly, na regular na idinaraos ng CBCP tuwing Enero at Hulyo taun-taon, ay sinalubong ng isang programa ng mga grupong humihiling ng hustisya para sa mga paring pinaslang kamakailan.

Nakasuot ng mga sakong damit na may kulay lila na krus, nang magtipun-tipon ang iba’t ibang grupo sa Pope Pius Center.

May bitbit pang isang kabaong ang mga ito, na may nakaipit na mga katagang “kalayaan,” “sovereignty,” “EJK,” “respect,” at “PCGG.”

May dala rin silang mga tarpaulin ng mga larawan ng mga pinaslang na paring sina Fr. Marcelito Paez, Fr. Richmond Nilo, at Fr. Mark Anthony Ventura, na simbolikong pamamaraan nila upang ipanawagan ang katarungan para sa biktima.

Ang plenary assembly ng CBCP ay inaasahang magtatagal sa loob ng tatlong araw o hanggang Hulyo 9 (Lunes), kung kailan inaasahang magpapalabas rin ng pastoral statement ang mga obispo, hinggil sa mga isyung kanilang tatalakayin sa pagpupulong.

Nabatid na ilan sa mga isyung mainit na posibleng talakayin ng mga Obispo ay ang isyu para sa kanilang security protocol dahil sa mga patayang ang mga biktima ay mga pari.

Posible rin umanong matalakay sa isyu ang ginagawang pag-atake ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Simbahang Katoliko, kung saan ang pinaka-kontrobersiyal ay nang tawagin pang estupido ng pangulo ang Panginoon, na umani ng kaliwa’t kanang batikos. (Macs Borja)