Plus points base sa serbisyo ikakasa ng CSC sa JOs, COS

Plus points base sa serbisyo ikakasa ng CSC sa JOs, COS

September 16, 2022 @ 2:37 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Sa layuning mapataas ang tiyansa na makapasa sa Civil Service Examination ang mga matatagal nang contractual employees ng gobyerno, plano ng Civil Service Commission (CSC) na magpatupad ng dagdag puntos sa kanilang eksaminasyon.

Sa budget briefing ng House Committee on Appropriations kung saan sumalang ang budget ng CSC ay tinanong ni ACT Teachers Rep. France Castro si CSC Chairperson Karlo Alexi Nograles kung ano ang ginagawa ng ahensya para maregular ang daang-libong contract of service at job order (JOs) employees sa gobyerno.

Sinabi ni Nograles na isa sa dahilan kung bakit hindi nagiging regular sa trabaho ang maraming JOs at contractual employees ay dahil hindi nakakapasa sa civil service exam.

Bunsod nito sinabi ni Nograles na isang point system ang pinaplano ng CSC para matulungang pumasa ang mga ito sa civil service exam.

“Kung daragdagan ang kanilang puntos na babatay sa kanilang tagal sa serbisyo ay maaari silang umabot sa 80% passing mark. They still need to get the civil service exam and kung ano man yung hindi sila makapasa because hindi sila maka-abot ng 80 but because may number of points equivalent to the number of years served ia-add namin yun sa kanilang raw score, that gives them more chance na baka umabot na sa 80% passing rate” paliwanag ni Nograles.

Umaasa si Nograles na sa bagong sistema na kanilang pinaplantsa ay mas marami nang kawani ng gobyerno ang mareregular dahil sa mayroon nang CSC eligibility. Gail Mendoza