PMA nagbabala: Diarrhea sa mga bata sa tag-init, tumataas

PMA nagbabala: Diarrhea sa mga bata sa tag-init, tumataas

April 26, 2022 @ 7:56 AM 2 months ago


 MANILA, Philippines – Ibinabala ng Philippine Medical Association (PMA) noong Lunes ang karaniwang pagtaas ng kaso ng pagtatae o diarrhea sa mga bata sa  buong panahon ng tag-araw dahil marami sa kanila ang hindi sinasadyang nakakain ng tubig sa pool o tubig-dagat.

Bilang bahagi ng World Immunization Week mula Abril 24 hanggang 30, binigyang-diin ni PMA president Dr. Benito Atienza ang kahalagahan ng Rotavirus vaccine na makaiwas sa rotavirus disease na maaaring magdulot ng diarrhea.

“Ilang pasyente ko ngayong umaga lang, nagcheck-up ako, maraming nag da-diarrhea. Bakit? Kasi nakainom ng tubig sa dagat o nakainom sa swimming pool. Kailangan po ‘yan [ma-check] hindi natin alam kung virus ba ‘yan o bacterial,” giit niya sa Laging Handa briefing.

“Napakahalaga po ang pagbabakuna lalo na ngayon uso ang pagtatae sa mga bata. Dapat po bigyan sila ng Rotavirus, summer po ngayon, nakakalabas ang mga bata,” aniya pa.

Nagbabala pa si Atienza laban sa mga paulit-ulit na sakit tulad ng ubo at sipon sa mga bata dahil marami na sa kanila ang hindi nababalewala ang minimum public health standards gaya ng paggamit ng face mask at pag-iwas sa matataong lugar.

“Madaming nagkakasakit na bata dahil sa mga nag-outing, pumunta kung saan-saan kasama ang matanda, ang mga bata nagkakahawaan na sila ng mga ubo’t sipon. Hindi po ito COVID kundi ‘yung mga dating sakit, bumabalik dahil ‘yung social distancing, ‘yung pagsusuot ng mask ay hindi na masyadong nasusunod ngayon,” aniya pa. RNT