PNA umapela, deployment cap sa health workers dagdagan

PNA umapela, deployment cap sa health workers dagdagan

October 3, 2022 @ 2:18 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nanawagan ang Philippine Nurses Association nitong Lunes, Oktubre 3 na taasan sana ng pamahalaan ang deployment cap sa mga healthcare workers na nais magtrabaho abroad.

Sa ngayon kasi ay nasa 7,000 ang itinakdang deployment cap para sa naturang sektor ng Philippine Overseas Employment Administration kada taon.

Ayon kay PNA President Melvin Miranda, ang sahod ng mga nurse sa Estados Unidos ay mula P120,000 hanggang 250,000 kada buwan maliban para sa benepisyo samantala ang alok naman sa mga nurse sa United Kingdom, Australia at Canada ay nagsisimula sa P300,000.

“Actually, doon sa existing na cap, kino-consider po natin dito na sana pa maitaas. Kami naman ay nakikipagtulungan sa gobyerno para magkaroon ng data analytics that will really balance ‘yung supply and demand sa country,” ani Miranda sa panayam ng DZBB.

“Pero hangga’t wala pa tayong nahahain sa ating mga nurses pagdating sa pagiging maayos ng kanilang salaries and compensation, patuloy na sila’y maghahangad para lumabas ng bansa,” dagdag niya.

Matatandaan na makailan-ulit nang nanawagan ang mga manggagawa sa sektor ng kalusugan na taasan ang kanilang sahod at ibigay ang COVID-19 response benefits at allowance.

Sa katunayan, ang ilan ay pinili na lamang magbitiw sa trabaho at maghanap ng ibang mapapasukan, at ang iba naman ay nagtrabaho na sa ibang bansa.

Nitong Huwebes lamang, Setyembre 29 ay nagpahayag ang Department of Health na kailangan ng bansa ng aabot sa 106,000 mga nurse sa pampubliko at pribadong mga ospital.

Sa kabila nito, idiniin ni Miranda na walang job security ang mga nurse sa bansa kung sila ay bibigyan lamang ng isang taon kontrata sa trabaho kumpara sa magandang alok sa ibang bansa.

“Even though they will offer plantila, so for the deployment program, for the one year contractual ang status ng ating mga nurses, I think this could not have a job security for our nurses lalo na kapag nag-offer na ang mga karatig bansa ng mga ganitong mga salaries and compensation,” aniya. RNT/JGC