PNP: 115K pulis itatalaga sa buong bansa ngayong Kapaskuhan

PNP: 115K pulis itatalaga sa buong bansa ngayong Kapaskuhan

December 20, 2022 @ 4:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Martes na magtatalaga ito ng halos 115,000 tauhan nito upang tiyakin ang ligtas na pagdiriwang ng holiday season.

Inihayag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na ang regional directors na ang bahala na magkasa ng adjustments sa pagtatalaga ng kapulisan, partikular na sa pagdagsa ng mga tao sa area of convergence.

“Sa kabuuan po ay magde-deploy tayo ng mahigit 115,000 na PNP personnel nationwide to make sure na magkakaon tayo ng ligtas na Pasko nitong taon na ito lalung-lalo na at inaasahan natin ‘yung dagsa ng tao ngayong taon na ‘to,” ayon kay Fajardo.

Nitong Linggo, sinabi ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. na halos 192,000 PNP personnel ang ipakakalat sa lahat ng places of convergence kung saan inaasahang magdiriwang ang mga tao ng Pasko at Bagong Taon.

Ani Fajardo, 9,000 pulis ang itinalaga sa major transportation hubs, kabilang ang ports at airports, upang tumulong sa pagsusuri ng mga bagahe ng mga pasahero upang maharang ang mga kontrabando.

Nagtalaga rin ng explosive detection dogs at narcotics detection dogs, aniya.

“So far, relatively peaceful naman po ‘yung mga ibang areas na ating mino-monitor. Ang pinagtutuunan natin sa ngayon itong pagbabantay sa Simbang Gabi at syempre habang papalapit na ang Pasko ay dumadami din ang economic activities natin lalong-lalo na sa gabi,” aniya pa. RNT/SA