PNP, AFP aagapay sa NKTI

PNP, AFP aagapay sa NKTI

November 25, 2022 @ 1:26 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Health (DOH) na magdedeploy ng mga tauhan ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na tutulong sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI).

Kasunod ito nang naging advisory nitong nakaraang araw na ang kanilang emergency room ay nasa full capacity na para sa mga pasyenteng sumasailalim sa dialysis, leptospirosis at COVID-19.

Sa pahayag sa CNN Philippines, sinabi ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na kailangan talaga ng manpower kaya agad na tinawagan ang PNP at AFP na agad naman aniyang rumesponde at magpapadala ng kanilang healthcare cadre sa NKTI para makatulong.

Gayundin aniya ang ibang ospital ay pabor na tumugon sa kahilingan ng DOH para makatulong sa NKTI.

Sinabi ni Vergeire na hanggang 80% na ang okupado sa ospital dahil sa non-COVID-19 cases.

Samantala, sinabi ni Vergeire na kahit nakikitaan ng pagtaas sa positivity rate sa National Capital Region (NCR), hindi ito dapat gamitin bilang tanging batayan ng pagsusuri.

Ito ay makaraang ihayag ng OCTA Research group nitong Huwebes, Nobyembre 24 na ang seven-day positivity rate sa NCR ay umakyat mula sa 7.4% noong Nobyembre 15 sa 9.2% nitong Nobyembre 22.

“But as we always say, let us not only use positivity rate when we do our analysis now. Medyo skewed po kasi kapag yung positivity rate because iit is affected by a lot of factors,” saad ni Vergeire.

Binigyan diin niya na ang pinakamahalaga ngayon ay ang utilization rate ng hospitals at ang healthcare system.

Dagdag pa, lahat naman aniya ng rehiyon ay nasa low-risk utilization sa COVID-19. Jocelyn Tabangcura-Domenden