PNP, AFP handa vs NPA

PNP, AFP handa vs NPA

December 19, 2022 @ 8:10 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Siniguro ng  ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na nakahanda sila sa anumang pag-atake o opensiba ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa mga araw na papalapit sa ika-54 na anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP) ngayong Disyembre 26.

Ang komento ay kasunod ng pagdeklara ng CPP ng 10 day mourning para sa pagkasawi ng  kanilang founding chairman na si Jose Maria Sison noong Biyernes at pinahintulutan ang mga gerilya na magsagawa ng mga opensiba laban sa pwersa ng gobyerno.

Sa atas pa ng central committee ng CPP na pinapayagan nito ang mga unit ng kanilang armed wing na New People’s Army na magsagawa nang tahimik na 21-gun salute sa Disyembre 26 bilang pagpupugay kay Sison.

Sa parte ng PNP at AFP, kapwa nilang sinabi na wala pang namomonitor na banta sa seguridad sa pagkasawi ni Sison o sa anibersaryo ng CPP.

Sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na ang police mobile forces at ang Special Action Force ay naka-deploy na sa mga lugar na dati nang naitalang pag-atake na konektado sa NPA.

Naka-full alert na ang PNP simula noong Huwebes, kapwa para sa anibersaryo ng CPP at holiday season, habang naka-hold ang mga police leave.

Mahigit 115,000 pulis ang na-deploy sa buong bansa sa ilalim ng “Oplan Ligtas Paskuhan 2022”, ani Fajardo.

Sa panig ng militar, tinawag ni Col. Medel Aguilar, tagapagsalita ng AFP na “iresponsable” ang pahayag ng CPP sa mga karagdagang pag-atake.

“Para sa seguridad at kaligtasan ng aming mga komunidad, hindi namin kailanman pababayaan ang aming pagbabantay.” RNT