PNP, AFP, PDEA ANYARE?

PNP, AFP, PDEA ANYARE?

January 28, 2023 @ 11:32 AM 2 months ago


KAHIT sino, malilito sa nagaganap sa mga sundalo, pulis at taong Philippine Drug Enforcement Agency.

Akalain ba nating naghahalo-halong ang mga isyu na umano’y kinasasangkutan nila na nakaaapekto sa buong bayan!

Kakaunti lang naman sila pero ninanakaw nila ang mga ere at espasyo sa diaryo, radio, telebisyon at social media.

At lumilikha sila ng malalalim at nakatatakot na anino.

Hanggang saan ba ang epekto ng mga ito sa buhay-Pinoy?

PUMAPATAY

Isang heneral ang isinasangkot sa pagpatay sa isang sinasabing lover niya noon at isinangkot din bilang kakosa niya ang ilang pulis at sundalo.

Kung ano ang dahilan, haka-haka pa lang lahat.

Daraan sa maapoy na pagdinig sa korte ang kaso at walang nakatitiyak kung may idedeklarang nagkasala o wala.

Sa kabilang banda, isang pulis din ang nahuli makaraang idawit sa pagpatay sa isang mediaman at kasama nito noong.taong 2000.

Inaresto ito sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Manila Regional Trial Court.

Kung ano rin ang kahihinatnan nito sa korte, wala ring nakatitiyak.

RAPIST

Isang pulis naman ang inaresto ng kapwa niya pulis sa Cabuyao, Laguna.

Inakusahan ito ng pag-rape sa sarili niyang 3-taong anak.

Sa pagsusuri sa paslit, positibong naaabuso ito.

Hindi rin natin alam kung saan hahantong ang kaso rito.

NINJA PDEA

Sumurender naman sa pulisya ang dating mataas na opisyal ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Kabisayaan.

Isinasangkot ito sa pagpapalaya sa isang bigtime importer ng illegal drugs.

Minaniobra rin umano nito ang imbentaryo ng 500 tabletang ecstasy.

Minsan nang itinuro ni Tatay Digong ang PDEA official na ito na bigtime protector sa ilang druglord.

Kung ano ang magiging kahinatnan ng kaso nito na nakasampa sa isang korte sa Quezon City, hindi natin alam.

‘YANG COURTESY RESIGNATION

Isa pang problema ‘yang courtesy resignation ng mga pulis na sinabayan din ng mga resignation sa tanggulang pambansa.

Mga heneral at colonel ang pinag-resign sa hanay ng mga pulis dahil lang umano sa pagkakasangkot sa droga ng ilan sa mga ito.

May mga hindi pa nagsusumite ng kanilang mga courtesy resignation ngunit mangilan-ngilan na lang umano ang mga ito.

Nag-resign din ang matataas na opisyal sa tanggulang pambansa o Defense Department.

Ngunit inaayos ang gusot dito ni Gen. Carlito Galvez, kasama na ang perwisyo umano na dulot ng 3-taong ekstensyon na panunungkulan  ng chief of staff.

Wala pang nakatitiyak na ayos na ang gusot sa militar at maging sa pulisya na maaaring hahantong sa reorganization at pagsibak sa ilang mga heneral at colonel.

SAAN HAHANTONG ANG LAHAT?

Sa atin, higit na nakararami ang matitino at tapat sa tungkulin at Konstitusyon na mga pulis at sundalo at normal lang na may mga pararatangang bugok na itlog ngunit ang korte ang magpapasysa sa katotohanan o kasinungalingan dito.