PNP ‘all set’ na sa Maguindanao plebiscite; gun ban ikinasa

PNP ‘all set’ na sa Maguindanao plebiscite; gun ban ikinasa

August 21, 2022 @ 4:18 PM 1 month ago


MINDANAO, Philippines – Nakahanda na ang Philippine National Police (PNP) sa mga hakbang pang-seguridad nito, at nakipag-ugnayan na rin sila sa militar at iba pang law enforcement agencies para sa maayos na pagsasagawa ng plebisito sa Maguindanao sa Setyembre 17.

Sinabi ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. na bukod dito ay naka-standby din ang iba pang kailangang asset para sa mabilis na pagtugon sa seguridad sa gagawing plebesito.

Nakatakdang bumoto ang mga botante sa 36 na munisipalidad sa pagpabor o hindi pagsang-ayo sa paghahati ng Maguindanao sa dalawang lalawigan, na tatawaging Maguindanao del Sur at Maguindanao del Norte.

Ang kabisera ng Maguindanao del Norte ay magiging bayan ng Datu Odin Sinsuat habang ang Buluan, ang kasalukuyang kabisera ng lalawigan, ay magiging sentro ng pamahalaan ng Maguindanao del Sur.

“Nangako ang PNP na paigtingin ang mga hakbang sa seguridad kung saan mas maraming checkpoint ang ilalagay sa mga estratehikong lugar para mapalakas ang police visibility. Kailangan din nating tiyakin na ang pinakamababang pamantayan sa kalusugan ng publiko ay sinusunod dahil ito ay mangyayari sa gitna ng pandemya, “ani Azurin sa isang pahayag ngayong Linggo.

Pinagana rin ng kapulisan ang gun ban doon mula Agosto 16 hanggang Setyembre 24 sa ilalim ng Commission on Elections (Comelec) Resolution No. 10797.

Dapat sana ay idinaos ang plebisito noong Setyembre ng nakaraang taon, ayon sa Republic Act No. 11550 na nilagdaan ni dating pangulong Rodrigo Duterte noong Mayo 27, 2021, ngunit binawi upang tumutok sa paghahanda para sa pambansa at lokal na halalan sa Mayo 9. RNT