PNP CHIEF CARLOS PINAKAKASUHAN ANG ABUSADONG KERNEL

PNP CHIEF CARLOS PINAKAKASUHAN ANG ABUSADONG KERNEL

November 26, 2021 @ 3:46 PM 2 months ago


NAKATATABA ng puso ang ginawang pagdalaw ni PNP Chief PGen. Dionardo Carlos sa mismong bahay ni PMsgt. Ricky Brabante, kasapi ng Regional Mobile Force Battallion sa Albay na hinampas ng kopita ng isang opisyal ng Aviation Security Group na si PCol.Dulnoan Dinamling Jr. noong Nobyembre 13 dakong alas-12:30 ng madaling araw matapos ang isang selebrasyon sa loob ng RMFB compound sa Camp Simeon Ola, Legaspi City.

Basag man ang kanang mata ni Brabante dulot ng malakas na hampas ng lasing umanong si Col. Dinamling subalit mataas naman ang moral ng sarhento makaraang personal na bisitahin ito ni Gen. Carlos kasama si PRO 5 RD Gen. Estomo upang gawaran ng tulong pinansyal at medikal.

Inatasan din ng itinuturing na ama ng Pambansang Pulisya si RD Estomo na magsagawa ng malalimang imbestigasyon hinggil sa nangyaring insidente kasabay ng pagsampa ng kaukulang kasong kriminal at administratibo laban sa abusadong kernel.

Ang ganitong patas na pagtingin ni PNP Chief Carlos sa lahat ng kapulisan opisyal man o mababa ang ranggo ang kailangan ngayon sa gitna ng ilang napapabalitang pangyayaring tinatratong parang hayop ng mga abusadong nakatataas ang kanilang nasasakupang otoridad.

Ilang sarhento na ba at PNCOs ang dumaan sa kamay na bakal ng mala berdugong opisyal na sa maliit na pagkakamali ay agarang sinasapak o kaya naman ay kinakasuhan at itinatapon sa malalayong lugar na kadalasan ay unlawful order pa nga ang iniuutos sa mga ito?

Hindi naman sa hinuhusgahan ang naturang kernel ngunit kung mananatili ito sa hanay ng PNP, posibleng may mabubulag pa ito na mga masunuring pulis na walang ibang hangarin kundi ang maging tapat na alagad ng batas.

Bagaman ipinag-utos na ni Gen. Carlos na harapin ni Col.Dinamling kung anoman ang resulta ng kanyang maling ginawa subalit kahit paano ay nakaaapekto ang ganitong pangyayari sa matitinong opisyal na walang ginagawa kundi ang tuluyang maibalik sa PNP ang lubos na tiwala ng taumbayan.

Magsilbi sanang aral sa ilan pang abusadong otoridad ang ipinatutupad na patas at parehas na pagtingin ni Gen.Carlos na walang sinasantong ranggo sa kapulisan.

Para sa inyong suhestiyon mag-tex sa 09999388537/email normanlaurio17@gmail.com