PNP Chief: Pagpatay sa mga lokal na opisyal ‘di sumasalamin sa seguridad sa Pinas

PNP Chief: Pagpatay sa mga lokal na opisyal ‘di sumasalamin sa seguridad sa Pinas

March 7, 2023 @ 7:42 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Hindi repleksyon ng pangkalahatang seguridad sa Pilipinas ang mga nangyayaring patayan sa mga opisyal ng gobyerno.

Ito ang iginiit ni Philippine National Police Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., sa isang press briefing sa Camp Crame, Quezon City nitong Lunes.

Giit pa niya na ang sunod-sunod na pagpatay sa mga lokal na opisyal ay ‘isolated cases’ lamang.

“Despite these recent shooting incidents involving elective government officials, in separate locations, there is no evidence that these incidents are connected with each other. From all indications, all these incidents stemmed from peculiar motivations of the assailants and does not reflect the whole peace and order situation in the country wherein for the past months of January and February 2023 a decline of almost 20 percent of crimes were recorded as compared to year 2022 same period,” anang PNP chief.

Ang pahayag ng PNP chief ay kasunod ng mga pag-atake laban sa mga lokal na opisyal – ang pinakahuli ay si Negros Oriental Governor Roel Degamo na binaril sa kanyang residence compound noong weekend.

Iginiit din ni Azurin na sinisuguro nila na ang lahat ng mga kaso ay kanilang lulutasin.

“At the end of the day, however, we are confident that we shall be able to find closure to these cases by putting behind bars the persons responsible to these crimes. I would like also to appeal to all peace-loving Filipinos to support your law enforcement sector by providing information for the early solution of these cases,” giit pa niya.

Samantala, nagbigay naman ng update si Azurin sa imbestigasyon sa mga kaso ng pag-atake laban sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan kabilang sina Aparri, Cagayan Vice Mayor Rommel Alameda; Datu Montawal, Maguindanao del Sur Mayor Ohto Montawal at Lanao del Sur Governor Mamintal Alonto-Adiong Jr.

Sa kaso ng pagpatay kay Alameda noong Pebrero 19, sinabi ni Azurin na ang follow-up na imbestigasyon ay humantong sa pagsisiyasat sa rehistradong may-ari ng nasunog na getaway vehicle, isang Mitsubishi Adventure, kung saan naibalik ng mga forensic technician ang mga nasirang chassis at mga numero ng makina upang maitatag positibong pagkakakilanlan ng sasakyan.

Aniya, ang mga narekober na slug at fired cartridge ay ikinumpara sa iba pang insidente ng pamamaril sa pamamagitan ng Integrated Ballistics Identification System (IBIS) ng PNP upang matukoy ang iba pang lead.

Samantala, sinabi ng PNP chief na nakalabas na si Montawal sa ospital kung saan siya naunang na-admit para sa paggamot ng mga tama ng baril.

Sinabi ni Azurin na kinuha ng mga imbestigador ang mga testimonya ng dalawang saksi na nasa malapit sa Roxas Boulevard service road sa Pasay City. Isa sa mga saksi ay nag-turn over din sa mga imbestigador ng dalawang fired cartridge case na pinaniniwalaang galing sa baril ng suspek.

Idinagdag niya na ang pagsusuri sa closed circuit television (CCTV) camera footage ay ginagawa ng mga imbestigador habang ang mga nakalap na footage ay pina-enhance ng Anti-Cybercrime Group.

Samantala, wala na sa panganib si Lanao del Sur Governor Mamintal Bombit” Adiong Jr. sa kabila ng mga tama ng bala na natamo sa insidente noong Pebrero 17.

Sinabi ni Azurin na ang Special Investigation Task Group na si “Gov Adiong” noong Marso 2 ay nagsampa ng mga kriminal na reklamo para sa apat na bilang ng pagpatay, tatlong bilang ng frustrated murder, at multiple attempted murders laban sa ilang suspek sa Office of the Provincial Prosecutor sa Marawi City. RNT