Manila, Philippines – ‘Brotherly’ advice lang para kay Philippine National Police Chief Director General Oscar Albayalde ang naging kontrobersiyal na guidelines ng Angono police station sa kung papaano makaiiwas sa rape.
Naging maingay ang Facebook post na ito ng police unit dahil umano sa mga payo nitong: iwasan ang magsuot ng maigsing damit, pagpunta sa mga madidilim na lugar nang mag-isa at pag-inom ng alak sa mga lakad sa labas.
“That’s just a brotherly advice. Even as a father and as a brother to a sister, medyo alam mo na kapag kasi ikaw ay nagbihis nang medyo sexy talagang prone ka to pansin, babastusin ka,” pagtatanggol ni Chief Albayalde.
“Paminsan-minsan maka-tiyempo ka nung gaya nung naglalakad ka sa kalsada, pipituhin ka, babastusin ka,” dagdag pa nito.
Nauna rito, humingi na rin ng dispensa ang Angono police at binura ang naturang post sa FB page nila.
“Ang amin pong intensiyon ay mapaalalahanan ang lahat para maiwasan po na maging biktima ng insidente ng rape. Sabi nga po ‘An ounce of prevention is worth a pound of cure,'” ayon sa kanilang ipinost.
Nagpahiwatig naman ng pagkadismaya ang kilalang women’s rights advocate na si Senator Risa Hontiveros kaugnay dito at sinabing, “clothes don’t cause rape, rapists do.”
Dagdag pa ng senadora, willing itong i-train ang mga pulis-Angono sa pagbibigay ng mas sensitibong impormasyon sa publiko. (Remate News Team)