PNP chief susunduin sana ng bumagsak na chopper

PNP chief susunduin sana ng bumagsak na chopper

February 22, 2022 @ 8:07 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Napag-alaman na papunta sana ang police helicopter na bumagsak sa Real, Quezon  para sunduin si Philippine National Police chief General Dionardo Carlos.

Ang bumagsak na H-125 Airbus helicopter ay lumipad mula sa Manila Domestic Airport sa Pasay City alas-6:17 ng umaga para sa Balesin, Quezon, kung saan nanunuluyan si Carlos kasama ang kanyang pamilya.

Sinabi ng PNP na ang paglipad ay ikinokonsiderang administrative mission flight.

“Nasa Quezon ang Chief PNP nitong weekend para sa ilang pribadong oras kasama ang kanyang pamilya,” sabi ni PNP spokesperson Police Lieutenant Colonel Jean Fajardo.

“Hindi naging available yung commercial flight na dapat pi-pick up sa kanya, na hapon pa dadating. Yung air unit natin said, ‘Sir, yung dalawang chopper is available’ for disposal ng Chief PNP, which is normal naman, so ang sabi ni Chief, ‘Sige isa lang.'”

Inabot ng ilang oras ang mga rescuer upang marating ang bulubunduking lugar kung saan bumagsak ang chopper, at ilang oras pa bago ibinaba ang mga biktima para madala sa ospital.

Ang piloto at co-pilot na sina Police Lieutenant Colonels Dexter Vitug at Michael Melloria, ay dinala sa Claro M. Recto Hospital sa Infanta, Quezon, habang ang crewman na si Police Patrolman Allen Noel Ona ang nag-iisang nasawi.

Ang mga nasugatan ay inilipad sa Camp Crame. RNT