PNP-CIDG inalerto ng DILG vs con-artist

PNP-CIDG inalerto ng DILG vs con-artist

October 28, 2020 @ 6:57 PM 1 month ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Inalerto ngayon ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police- Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) gayundin ang mga  local government executives laban sa panibagong sindikato ng mga extortionist at con-men.

Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, marami silang natatanggap na mga report mula sa DILG regional at field offices at mga LGUs na nakatanggap sila ng texts at tawag mula sa mga con-artists o mga impostor na nagpapanggap na senior DILG officials na nag-aalok ng COVID-19 assistance subalit  nanghihingi ng pera.

“Pinapayuhan po natin ang ating LGUs at ang publiko na mag-ingat sa mga walanghiyang mandurugas na sindikato na nagpapakilalang DILG at nangingikil ng pera kapalit ng umano’y ayuda,” ani Malaya.

“Kahit po ang inyong lingkod ay ilang beses ng ginamit ang pangalan para makapanloko. Kailanman ay hindi tayo nanghihingi ng pera sa kahit sinong Mayor, Vice-Mayor, o kapitan kapalit ng serbisyo publiko na binibigay ng DILG,” dagdag pa ng opisyal.

Sa isang report sa DILG ni Mayor Danilo M. Diamante ng Tuburan, Cebu, sinabi nito na siya ay nakatanggap ng tawag mula sa isang nagpakilalalang DILG Undersecretary.

Nabatid na humihingi umano ang caller ng pera mula kay mayor para ‘di umano sa shipping ng 1,500 kaban ng bigas na ibibigay bilang assistance sa kanyang bayan.

Bukod dito, sinabihan din daw si Mayor Diamante na idiin ang isang SB member na sangkot sa iligal na droga na pinabulaanan naman ng huli.

Nakatanggap din si Malaya ng report mula kay DILG CALABARZON Regional Director Ariel O. Iglesia, Mayor Rachel Ubana ng Lopez, Quezon, Mayor Nacional V. Mercado ng Maasin City, Southern Leyte at Mayor Melina Requinto ng Estancia, Iloilo.

“Halos pare-pareho ang istilo ng sindikatong ito. Tatawag at magpakilalang DILG, magbibigay kunwari ng tulong na bigas o iba pang supporta ngayong COVID-19 at sa huli ay manghihingi ng pera para sa transportsyon at iba pang gastusin, ” paliwanag ni Malaya.

Dahil dito, kanila nang inatasan ang PNP-CIDG sa nasabing modus operandi at dakpin ang mga scammers. Jan Sinocruz


  •  
  •  
  •  

Loading...