PNP: Ebidensya sa Degamo slay, isinasapinal na

PNP: Ebidensya sa Degamo slay, isinasapinal na

March 9, 2023 @ 3:00 PM 2 weeks ago


DUMAGUETE CITY- Inihayag ng special investigation task group (SITG) na nag-iimbestiga  pagpatay kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo nitong Huwebes na isinasapinal na nito ang mga ebidensya sa krimen na naganap noong Marso 4.

Sa isang press conference, sinabi ni SITG Degamo spokesperson P/Lt. Col Gerard Pelare na nalalapit nang maresolba ang pagpatay, na kagaya ng pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

Hanggang nitong Huwebes, sinabi ni Pelare na sinusuri ng SITG ang forensic analyses ng getaway vehicles at firearms na narekober mula sa umano’y gunmen, at sinabing natukoy na rin ang mga may-ari nito.

Natukoy na rin nila ang umano’y mastermind sa pagpatay, subalit hindi ito pinangalanan ni Pelare.

Kinumpirma naman niya na isa sa assault rifles na narekober nila ay ginamit nga sa pagpatay kay Degamo. 

“We have done everything… ginagawa na lang is final touches of investigation,” pahayag niya.

Inilahad din ng SITG spokesperson ang karagdagang detalye sa pagpatay, at sinabing minamatyagan na ng mga suspek si Degamo noong Disyembre 2022 pa.

Nagmula umano ang mga gunmen sa iba’t ibang lugar sa labas ng Negros, base kay Pelare.

“Some of them knew each other. Wala pong complete identities iyong iba, only nicknames,” patuloy niya. 

Bago ang pagpatay, pinulong na ang gunmen sa isang safe house at naghihintay lamang ng “opportune time” para isagawa ang krimen. 

Ilan sa mga suspected gunmen na hawak ng mga awtoridad ang nagsabing mayroon silang video ng pakikipag-usap sa umano’y mastermind.

Inihayag naman ni Pelare ang kumpiyansa na nasa Negros Island ang hindi pa nahuhuling mga suspek, at hinikayat ang publiko na may impormasyon hinggil sa mga kahina-hinalang indibidwal na ipagbigay-alam ito sa mga awtoridad.

Sa isang public briefing, sinabi ni PNP spokesperson P/Col. Jean Fajardo na sinisilip din nila ang posibleng pagpapabaya ng security detail ni Degamo.

“Bago po nangyari ang pamamaril, may police protective security detail na naka-assign kay Governor Degamo at ang counterpart natin sa AFP ay nagbigay ng tulong,” ani Fajardo.

Binanggit din niya na habang hindi pa natutukoy ng mga awtoridad ang posibleng motibo, hindi nila inaalis ang “political aspect in the case,” lalo na at si Degamo ay isang elected official.

Kasunod ng pagpatay, mahigit isang daang police personnel sa Bayawan City at Sta. Catalina, Negros Oriental ang sinibak sa pwesto upang hindi makahadlang sa imbestogasyon sa krimen. RNT/SA