PNP GAGAMIT NG MODERNONG PAMAMARAAN SA MABILIS NA PAGTUGON

PNP GAGAMIT NG MODERNONG PAMAMARAAN SA MABILIS NA PAGTUGON

November 11, 2022 @ 11:30 AM 3 weeks ago


MODERNONG pamamaraan na ang gagamitin ng kapulisan para sa mabilis na pagtugon sa mga nagaganap na krimen sa tulong na rin siyempre ng mga opisyal ng barangay dahil sila ang tiyak na makaka-alam kung may nangyayaring insidente ng anomang uri ng karahasan.

Sa halip na tawag sa telepono o paggamit ng mobile phone, naisipan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director P/BGen. Jonnel Estomo na ilunsad ang programang S.A.F.E. NCRPO App Alert kung saan isang pindot lang ay tutugon na ang alerto sa pinakamalapit na presintong nakasasakop sa pinangyayarihan ng krimen, maging sa Tactical Operation Center ng NCRPO.

Hindi naman kasi maikakaila na maraming mga presinto sa Kamaynilaan ang hanggang ngayon ay wala pa ring sariling linya ng telepono at kung mayroon man, napakahirap kumontak sa maraming kadahilanan.

May mga presinto nga, lalo na sa Lungsod ng Caloocan, ang hindi na talaga nalagyan ng linya ng telepono kaya’t ang kanilang ibinibigay na contact number ay sa mobile phone.

Eh paano kung walang load ang cellular phone ng mga gustong mag-report ng krimen? O kaya ay wala namang sumasagot sa tawag sa mobile phone na ibinahagi ng presinto? Aba’y baka nakatakas na ang kriminal o kaya ay may napaslang na bago pa man dumating ang responde ng pulisya.

Pero sa proyekto ni Gen. Estomo, tiyak na mabilis ng makapagreresponde ang pulisya sa magaganap na krimen sa oras na mai-download ng mga opisyal ng barangay ang application na ibabahagi ng NCRPO sa kanila.

Sa ngayon, tanging ang Manila Police District at Southern Police District pa lamang ang inunang palagyan ng NCRPO ng App Alert bagama’t tiniyak ng regional director na hindi magtatagal ay ibabahagi rin ito sa Eastern Police District, Northern Police District at Quezon City Police District upang mabilis ng matugunan ng pulisya ang anomang karahasang nangyayari saan mang panig ng Kamaynilaan.

Sa ginanap na paglulunsad ng bagong programa ng NCRPO nitong Miyerkules sa Hinirang Hall ng Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City, namahagi si Gen. Estomo ng mga mobile phone sa ilang mga station commanders at chief of police ng lungsod sa Katimugang bahagi na may naka-install ng App Alert habang maglalagay naman ng mga poster sa mga barangay hall upang malaman ng mga opisyal dito kung paano i-install ang aplikasyon at kung paano gagamitin.

Sabi ni P/LtCol. Mark Foncardas, project manager at consultant ng programa, sa oras na mai-download na ang naturang aplikasyon sa mobile phone ng mga opisyal ng barangay, hindi na kinakailangan pa ang internet para gamitin ito dahil isang pindot lamang ay makararating na ang alerto sa pinakamalapit na presintong pinangyayarihan ng krimen at maging sa TOC ng NCRPO.

Upang madaling maunawaan ng mga opisyal ng barangay kung papaano ang pagi-install ng naturang App Alert sa kanilang mobile phone, mayroong imahe o drawing ang mga ikakabit na poster sa mga barangay hall para mas madaling maintindihan ang pagpapaliwanag.

Sa paglulunsad ng naturang proyekto, tiyak na walang dudang mapapatunayan ang pinapangarap ni Gen. Estomo na nakikita, napapahalagahan, nadarama at extraordinary ang mga pulis sa pagkakaloob ng serbisyo at proteksiyon sa mamamayan.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na jrreyes.0428@gmail.com o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.