PNP, LGUs sanib-pwersa vs e-sabong

PNP, LGUs sanib-pwersa vs e-sabong

May 5, 2022 @ 12:20 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Magsasanib-pwersa ang local government units (LGUs) at ang Philippine National Police (PNP) sa pagmo-monitor ng mga betting stations at cockpit arenas na nago-operate ng e-sabong sa kani-kanilang lokalidad.

Sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na kaagad na ipatutupad ng DILG ang direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na suspendihin ang operasyon ng e-sabong sa buong bansa.

“Ito naman ay tulong-tulong yung mga bawat ahensya natin. Ang PAGCOR (Philippine Gaming Corporation) ang siyang nagbibigay ng licenses, permit or franchise. Automatically paglabas ng memorandum galing kay ES (Executive Secretary) ay canceled na lahat (e-sabong) yan,” ayon kay Año.

Ang babala pa ng Kalihim ay magsasagawa ng pagiikot ang mga pulis sa mga e-sabong outlets at cockpit arenas kung saan nagaganap ang recording at streaming ng e-sabong upang matiyak na sarado ang mga ito.

“Ang ating kautusan ay binaba na natin sa mga LGUs. So alam ng ating kapulisan, LGUs kung saan yung mga betting stations na yan at yung mga cockpit arena. Meron na tayong listahan,” aniya pa rin.

Ang mga lalabag naman sa kautusan ng Pangulo na ihinto ang operasyon ng e-sabong ay aarestuhin.

Binigyang diin ni Año na ang kautusan ng Pangulo ay balido kahit pa walang implementing rules and regulations (IRR), sapat na aniya ang ipinalabas na memorandum ni Executive Secretary Salvador Medialdea. Kris Jose