PNP maglalabas ng polisiya sa koordinasyon ng pulis, mamamahayag

PNP maglalabas ng polisiya sa koordinasyon ng pulis, mamamahayag

October 17, 2022 @ 7:28 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Inihayag ng Philippine National Police (PNP) nitong Linggo na magpapalabas sila ng mga alituntunin kung paano dapat makipag-ugnayan ang mga pulis sa media practitioners matapos ang naiulat na pagbisita ng mga pulis sa pribadong tirahan ng ilang mamamahayag upang suriin ang kanilang seguridad.

Inamin ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na may mali sa house visits dahil walang direktang utos mula sa PNP national headquarters sa Camp Crame o sa regional director ng pulis na magtungo sa tahanan ng mga mamamahayag at tanungin sila kung sila ay pinagbantaan.

Inihayag niya na ang tanging utos sa kanila ay makipag-ugnayan sa media personalities aat alamin kung nakatanggap sila ng pagbabanta kasunof ng pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid.

“There was no direct instruction or directive coming from the national headquarters na magkaroon ng house visitation sa bahay ng ating kasamahan sa media,” pahayag niya.

“Itong nangyari sa ilang mga lugar, we can only presume, na iba-iba ang naging interpretation on how to proceed dito sa coordination sa ating mga media practitioners sa kani-kanilang mga areas of jurisdiction,” patuloy niya.

Sinabi ni Fajardo na walang database ang mga pulis sa mga address ng media practitioners, at natukoy lamang nila ang mga tirahan ng mga ito sa pagtatanong sa barangay officials.

“Normally, kahit hindi po siguro miyembro ng media, kahit sinong ordinaryong tao na pupuntahan nang nakasibilyan at nagpakilalang pulis ay talagang mangangamba sa kanilang kaligtasan,” aniya.

Ipinatigil  ni National Capital Region Police (NCRPO) chief Police Brigadier General Jonnel Estomo ang house visits matapos iere ng ilang mamamahayag ang pagkabahala sa insidente, at sinabing paglabag ito sa Data Privacy Act.

“Though we only had good intentions in this endeavor, I personally apologize to all our media friends, and an investigation is already in place pertaining to the incident,” sabi niya, base sa ulat.

Inilahad din niya naipinag-utos ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. na imbestigahan ang insidente, at magkasa ng corrective measures laban sa sinuman na mapatunayang may liable rito.

“We are not making excuses. May mali talaga sa naging procedure. Kung maganda ang intensyon, maganda ‘yung efforts nila, subalit dapat talaga nagkaron muna ng coordination or probably isinama ‘yung barangay,” ani Fajardo.

“Pinatigil na ng pamunuan ng PNP itong practice na ito until such time na magkaron ng magandang dayalogo at specific guidelines na ilalabas from PNP para masigurado na hindi na mangyayari ito,” dagdag niya.

Naiulat na humingi ng tawad ang Eastern Police District (EPD) matapos bisitahin ng police officers nito ang dalawang mamamahayag na naka-base sa Marikina City.

Nabahala rin ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) ukol sa insidente.

“Definitely, security risk siya and actually, even if as it turns out legitimate police naman ito, concerning pa rin like paano nalaman for example ‘yung address natin?” ani NUJP Chairperson Jonathan De Santos.

“Tapos ‘yun nga, ‘yung walang pasabi na pupuntahan ka na lang. Either way, whether pulis siya or not, concerning siya.” RNT/SA