PNP makikiayon sa pagpayag ng QC LGU sa mga kilos-protesta sa SONA ni PBBM

PNP makikiayon sa pagpayag ng QC LGU sa mga kilos-protesta sa SONA ni PBBM

July 24, 2022 @ 10:15 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine National Police (PNP) nitong Sabado na susunod sila sa desisyon ng Quezon City government na payagan ang parehong progressive groups at mga taga-suporta ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magsagawa ng kilos-protesta sa unang State of the Nation Address (SONA) ng chief executive.

Inihayag ni PNP officer-in-charge Lt. Gen. Vicente Danao Jr., “We will abide by the decision of the city government and we will make the necessary adjustments just to ensure that we play no favor to any group.”

Inaprubahan ng Quezon City Government nitong Biyernes ang kilos-protesta ng progressive at Marcos-allied groups sa kahabaan ng Commonwealth Avenue para sa SONA ni Marcos sa Lunes.

Ito ay kasunod ng pagbasura ng Quezon City Department of Public Order and Safety sa hiling ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) para sa rally permit. Umapela naman ang Bayan sa local government upang baguhin ang desisyon.

Dahil dito, sinabi ni Danao na aayusin ng PNP ang security deployment nito.

“Advance coordination with the concerned agencies and offices will be made to avoid confusion and inconvenience among the general public,” pahayag ni Danao.

Hiniling din ni Danao sa mga grupo “to conduct their mass protests peacefully.” RNT/SA