Remate Online2018-06-26T15:31:01+08:00
Sa ulat, sinabi ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde, na simula pa noong Hunyo 2017 hanggang Hunyo 2018 ay mayroon nang aplikasyon ang mga pari na makapagdala ng baril.
May mga pari sa Laguna na nagpaplanong magdala ng baril para sa pagtatanggol sa kanilang sarili. Ngunit ito’y tinutulan ni Archbishop Romulo Valles, pangulo ng CBCP, at sinabing ang mga pari ay dapat maging tao ng kapayapaan.
Tutol din si Cebu Archbishop Oscar Florencio, Apostolic Administrator ng Military Ordinariarte of the Philippines, at sinabing ang pag-aarmas sa mga pari ay maaaring lumikha ng gulo at ng mga bagay na walang kalutasan.
Ayon naman kay Father Jerrome Secillano, executive secretary ng CBCP public affairs committee, kailangang galangin ng mga pari ang desisyon ng kanilang mga Obispo. At para kay Balanga Bishops Ruperto Santos, hindi niya papayagan ang mga armadong pari sa kanyang diocese.
Tinatayang, sa loob ng anim na buwan, tatlong pari ang binaril at napatay. Idagdag pa ang isa ring pari na tinambangan Calamba, Laguna. Nasugatan ang pari, ngunit nakaligtas sa kamatayan. Ang tatlong paring napatay ay sina Fr. Mark Ventura, 37; Fr. Marcelito Paez, 72; at Fr. Richmond Nilo, 44.
Binaril at napatay si Fr. Ventura sa Gattaran, Cagayan noong Abril 27, 2018. Pinatay naman si Fr. Paez sa Jaen, Nueva Ecija noong Disyembre 5, 2017. Magmimisa naman si Fr. Nilo sa Senora de la Nieve, sa Barangay Mayamot, Zaragosa, Nueva Ecija nang pagbabarilin noong Hunyo 10, 2018.
Nabahala naman ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa sunud-sunod na pagpatay sa mga pari.
Dahil sa pagpatay sa tatlong pari, may 188 paring katoliko sa Laguna ang humiling sa Philippine National Police (PNP) ng permit na makapagdala ng baril kahit sila’y nasa labas ng kanilang parokya. (Kris Jose)