PNP, mayroon ng tatlong ‘persons of interest’ sa pagpatay kay Mayor Halili

PNP, mayroon ng tatlong ‘persons of interest’ sa pagpatay kay Mayor Halili

July 4, 2018 @ 8:16 AM 5 years ago


 

Tanauan City — Iniimbestigahan na ng mga pulis ang tatlong hinihinalang persons of interest sa pagpatay kay Tanauan City Mayor Antonio Halili.

Dalawa sa mga ito ay “drug-related,” habang ang isa naman ay hindi ayon kay Supt. Chitadel Gaoiran, spokesperson ng Calabarzon police, kahapon.

Hindi naman daw nagbigay ng iba pang detalye ang mga miyembro ng Special Investigation Task Group-Halili kung ano ang mga naging basehan sa kung paano sila humantong sa pagkakakilanlan sa tatlong hinihinalang suspek.

“Drug-related could either mean people that must have been angered by his shame campaign or his alleged illegal drugs involvement,” sabi pa ni Goiran.

Gayunpaman, hindi naman itinanggi ni Goiran na isa sa mga tinitignan nilang motibo ng pagpatay ay tungkol sa iligal na droga.

Si Halili ay kilala sa kaniyang isinagawang ‘walk of shame’ kung saan pinaparada niya sa publiko ang mga suspek sa iligal na droga at mga magnanakaw upang linisin ang krimen sa kaniyang nasasakupan.

Ngunit matatandaan rin na si Halili ay nasama sa listahan ng mga pangalan na inilabas ng National Police Commission na kasangkot sa illegal drugs trade.

Samantala, pinakita naman sa resulta ng otopsiya na 5.56-mm na bala ang na-recover mula sa katawan ni Halili.

Ayon sa mga pulis, ang ganitong klase ng bala ay kalimitang ginagamit para sa M4 or M16 rifle.

Sa pagpapatuloy sa imbestigasyon, nakatakdang magsasagawa ng reenactment ng pamamaril ang mga pulis sa Huwebes.  (Remate News Team)