PNP naka-full alert pa rin hanggang Nob. 4

PNP naka-full alert pa rin hanggang Nob. 4

November 1, 2022 @ 2:16 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pananatilihin ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang full alert status hanggang Nobyembre 4 para sa mandatory face-to-face classes na magsisimula naman bukas, Nobyembre 2.

Ito ay ayon sa tagapagsalita ng ahensya na si Police Colonel Jean Fajardo nitong Martes, Nobyembre 1.

Sa kasalukuyan ay nasa full alert status ang PNP para sa paggunita ng Undas.

“Yung ating full alert status ay mananatili hanggang November 4 in anticipation nga nitong simula ng face-to-face classes,” ani Fajardo kasabay ng public briefing.

Aniya, ang deployment ng mga pulis ay ilalagay sa mga lugar sa Metro Manila samantala binigyan na rin naman nila ng kautusan ang mga regional police directors na magdesisyon kung palalawigin din nila ang heightened alert status.

Matatandaan na bukas sa ilalim ng Department of Education Order (DO) No. 44, ay oobligahin na ang mga pampublikong paaralan na magpatupad ng full in-person classes. RNT/JGC