PNP naka-heightened alert para sa kapistahan ng Itim na Nazareno 2023

PNP naka-heightened alert para sa kapistahan ng Itim na Nazareno 2023

January 8, 2023 @ 10:40 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Inilagay ng Philippine National Police (PNP) nitong Sabado sa heightened alert ang mga unit nito para sa mga aktibidad na may kaugnayan sa Kapistahan ng Itim na Nazareno 2023.

Sa press conference, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo ikinasa ang heightened alert sa gitna ng pagsisimula ng security coverage para sa pagdiriwang ng Black Nazarene.

“On the part of the PNP, what we can confirmed po naka-heightened alert ang PNP because as everybody must know po nagsimula na po itong security coverage para sa pagbabalik nitong Traslacion dyan sa Manila particularly sa paligid ng Quirino Grandstand at Quiapo Church,” sabi ni Fajardo.

Sinabi niya na maraming pwersa ng pulisya, kabilang ang mga K9 units, ang naka-deploy sa mga lugar ng Maynila upang matiyak ang kaligtasan ng mga deboto sa panahon ng mga pagdiriwang.

“Yung mga nakita natin na mga sasakyan sa loob ng Crame na navideohan po, we can confirm po that bahagi pa rin po ito ng paghahanda para sa traslacion itong mga sasakyan na ito po ay hinahanda natin,” pahayag niya.

“But this is just a normal practice on the part of the PNP na regularly po at least once a week, per week ay iniikot po itong malalaking sasakyan ng pnp para siguraduhin yung operational readiness anytime po na kailangan itong mga sasakyan na ito ay maayos po sa kondisyon po,” dagdag ni Fajardo.

Nasa limang milyong deboto ang inaasahang lalahok sa Walk of Faith procession sa Pista ng Itim na Nazareno sa Enero 8.

Ang Walk of Faith procession, na nagsilbing alternatibo sa tradisyunal na Traslacion, ay magsisimula sa Quirino Grandstand hanggang Quiapo Church sa Enero 8 mula alas-2 ng umaga hanggang alas-4 ng umaga.

Hindi tulad sa Traslacion, ang imahe ng Itim na Nazareno ay hindi ipakikita sa Walk of Faith.

Pinaalalahanan naman ni Fajardo ang publiko na maging mapagmatyag lalo na sa mga post sa social media.

“Sa ating mga kababayan, ang laging paalala na huwag basta-basta maniniwala sa mga nakikita ninyo nakapost particularly sa social media accounts lalo na hindi niyo kakilala at relating dito sa kumakalat na destabilization plot,” ayon kay Fajardo.

“As far as the PNP is concern we haven’t receive any info relating po sa destabilization plot but nonetheless the PNP naka-maintain po yung ating heightened alert level dito sa coverage po sa inaasahang pagbabalik po ng mga kababayan sa mga probinsya dahil galing sa mahabang bakasyon at inaasahang pagdagsa ng mga kababayan dahil sa mga lalahok dito sa Traslacion,” aniya pa.

“Huwag mangamba at yung ating peace and order situation remains manageable and under control ng [inyong] pambansang pulisya po.”

Samantala, sinabi ng Globe na ipaaalam nito sa mga customer nito sa pamamagitan ng SMS kung magkakaroon ng mga service interruptions sa [Quirino Grandstand at sa Quaipo Church] area.

Sinabi naman ng Smart na wala silang natanggap na order para sa cellular shutdown.

Ilang kalsada ang isasara sa trapiko sa Enero 6 at 8 dahil sa aktibidad ng Nazareno 2023, ayon sa Manila Police District.

Idineklara ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang Enero 9, bilang isang espesyal na araw na walang pasok sa Lungsod ng Maynila para sa pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno. RNT/SA