PNP nangako ng ‘impartial’ probe sa 3 binatang nasawi sa shootout

PNP nangako ng ‘impartial’ probe sa 3 binatang nasawi sa shootout

December 7, 2022 @ 2:57 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nangako ng patas na imbestigasyon ang Police Regional Office (PRO) 12 sa pagkamatay ng tatlong binata sa di-umano ay shootout na naganap sa Lambayong, Sultan Kudarat.

“Our police officers are mandated to serve and protect the public. Police checkpoint operations were not motivated by whatever, but by the proper law enforcement duties,” ayon kay PRO-12 chief, Brig. Gen. Jimili Macaraeg Macaraeg sa panayam sa radyo nitong Miyerkules, Disyembre 7.

Ang pahayag na ito ay itinaon niya sa mga nakitang comment sa social media na ang dahilan umano ng pagpatay sa tatlong binata ay upang makaangat sa ranggol ang ilang pulis.

“Our police in Lambayong were performing their duties and reacted accordingly when fired upon by the gunmen. What we do is not for rank promotion. We conduct checkpoint operations, so our citizens are safe regardless of their belief, political, and cultural affiliations,” aniya.

Tinanggal na sa pwesto si Lambayong Police chief, Maj. Jenahmeel Toñacao, na siyang nagmamando sa checkpoint sa Barangay Didtaras noong Disyembre 2 kabilang ang mga kasamahan nito.

Dagdag pa, nagsimula na rin ang
PRO-12 Regional Internal Affairs Service sa imbestigasyon sa nangyaring pagpaslang.

Kung babalikan, nasawi ang tatlong binata sa itinuturong shootout makaraang hindi huminto sa checkpoint ang mga ito sakay ng kanilang motorsiklo at nang hinabol ng mga pulis ay pinaputukan umano sila ng mga ito.

Hindi naman kumbinsido ang ama ng isa sa mga nasawing binata na nanlaban ang kanyang anak at mga kasamahan nito. RNT/JGC