PNP, NBI HUWAG SUBUKAN SA PROSTITUSYON

PNP, NBI HUWAG SUBUKAN SA PROSTITUSYON

September 2, 2022 @ 4:11 PM 3 weeks ago


BATID naman ng lahat na hindi man hayagang sabihin ng pamahalaan na hindi na sila mahigpit sa pagpapatupad ng social distancing upang makaiwas sa hawaan ng COVID-19 ay nakikita naman ng taumbayan.

Kasi nga, bukas na ang lahat ng mga pwedeng puntahan, pasyalan at galaan upang matapos na ang pagkaburyong ng mamamayan dahil sa pagkakakulong sa kanilang mga tahanan o lugar matapos magpatupad ang pamahalaan ang mga panuntunan sa paglaban sa pandemyang nagpahirap hindi lang sa ating bansa subalit sa buong mundo.

Gayunman, madalas ipaalala ng Department of Health na kailangang sundin pa rin ang health protocols kaugnay sa pag-iwas sa COVID-19 tulad ng pagsusuot ng face masks, paghuhugas ng kamay gamit ang sabon o alcohol at social distancing.

Eh teka lang, paano naman ang mga night club at ilang establisimyento na nagbibigay ligaya sa mga kalalakihan? Hindi ba’t bukas na sila? Paano naoobserbahan ang social distancing? Paano nagbibigay ng panandaliang ligaya ang mga entertainer kung hindi nila lalapitan at hahawakan ang kanilang mga parokyano?

Totoo ba itong balitang kumakalat na ang ilang kolektor at ‘bagman’ ng mga opisyal ng Philippine National Police na may koneksyon sa mga “casa” ay nakaikot na at nakapanghingi na ng lingguhang payola?

Parang totoo nga! Kasi namamayagpag na naman ang ilang businessman ang negosyo ay KTV at bar pero front pala ng ‘prostitution.’

Nagbibigay ng lingguhang payola sa ilang sangay ng PNP tulad ng police station, provincial office, district office, regional office at ilang opisina ng Criminal Investigation and Detection Group.

At hindi lang ‘yan, iniyayabang pa nga ng mga negosyanteng sangkot sa prostitution ang kanilang koneksyon sa National Bureau of Investigation. Talaga lang ha? Aba, huwag nilang subukan si NBI Director Medardo De Lemos, at baka ‚Äėdi sila umubra.

Gayundin si PNP chief PGen. Rolando Azurin ay huwag nilang subukan. Baka hindi sila urungan ni Azurin at sa halip ay hamunin nito ang kanyang mga tauhan na ipasara ang mga club na front ng prostitution.

Iyang mga front ng prostitusyon ay siguradong maisasara kapag nakaladkad ang pangalan ni Justice Secretary Crispin “Boying” Remulla at Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos.

Kahit pa sabihin ng negosyanteng pasok sa iligal na marami siyang kaibigan sa NBI at PNP.