PNP, NBI maghahain pa ng mas maraming kaso vs sangkot sa Lapid case – Remulla

PNP, NBI maghahain pa ng mas maraming kaso vs sangkot sa Lapid case – Remulla

November 4, 2022 @ 3:27 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Inihayag ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Biyernes, Nobyembre 4 na mas marami pang kaso ang ihahain sa Lunes laban sa mga sangkot sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.

Ito ang tugon ni Remulla nang tanungin tungkol sa mastermind sa likod ng pamamaril kay Lapid.

“Nag-uusap ang National Bureau of Investigation and the Philippine National Police. They are talking between themselves about the cases they’re filing because they are filing more cases on Monday, I think,” ani Remulla.

Aniya, plano pa ng mga imbestigador na makipag-usap sa dalawa o higit pang mga tao na posibleng may malaking bahagi sa kaso ni Lapid.

“Let the NBI and the PNP name the people that they want to charge before the courts,” dagdag pa ni Lapid.

Ikinasa rin ngayong araw ang preliminary investigation ng murder complaint na inihain laban sa confessed gunman na si Joel Escorial at tatlo iba pang kasabwat.

Matatandaan na kamakailan ay sumuko si Escorial at ikinanta ang mga kasamahan na sina Israel at Edmund Dimaculangan, at isang “Orly” na patuloy pa ring pinaghahanap.

Maliban sa tatlong nabanggit, itinuro rin ni Escorial ang dalawang middleman sa pagpatay kay Lapid na sina Cristito Villamor at Christopher Bacoto na nakaditene sa New Bilibid Prison at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Kasunod nito, naibalita naman ang pagkamatay ni Villamor sa loob ng NBP. RNT/JGC