PNP officials na magbibitiw, matik na may benepisyo-Azurin

PNP officials na magbibitiw, matik na may benepisyo-Azurin

January 5, 2023 @ 10:09 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sakaling tanggapin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang courtesy resignation ng ilang matataas na opisyal ng pulisya, ito ay “awtomatikong maituturing na kanilang pagreretiro” at nangangahulugan na makakatanggap sila ng mga benepisyo.

Ito ang nilinaw ni Philippine National Police (PNP) chief Rodolfo Azurin Jr. sa isang interbyu sa CNN Philippines.

“They will be entitled to receive their entitlement benefits dahil sabi nga kanina, pinaghirapan nila lahat kung ano man ang narating nila,” giit ni Azurin.

Nauna rito, umapela si Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. sa mga colonel at heneral ng PNP na magsumite ng courtesy resignation sa kanilang mga puwesto, dahil layunin ng gobyerno na alisin ang organisasyon ng ugnayan sa ilegal na droga.

Sinabi niya na ito ay isang “shortcut” upang linisin ang PNP, na binanggit ang mahabang proseso ng hudisyal upang mahatulan ang mga maling opisyal.

Ayon kay Abalos, bubuo ang gobyerno ng five-man committee na magre-review sa records ng police officials para matukoy kung sangkot sila sa drug trade. Pagkatapos ng ebalwasyon, ang desisyon na tanggapin ang courtesy resignation ay desisyon na ni Pangulong Marcos.

Ani Azurin, personal niyang isusumite ang kanyang courtesy resignation kay Marcos, sa pamamagitan ni Abalos, sa Huwebes at hinikayat ang mga full police colonels at generals — o mga third-level officers — na gawin din ito.

Kinumpirma rin ni Azurin na kakilala niya ang ilang tao sa loob ng organisasyon na umano’y sangkot sa ipinagbabawal na drug trade. RNT