PNP para malinis sa droga: Mga heneral, colonels pinagbibitiw

PNP para malinis sa droga: Mga heneral, colonels pinagbibitiw

January 4, 2023 @ 4:28 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Pinagsusumite ni Interior Secretary Benhur Abalos ng courtesy resignation ang lahat ng heneral at full colonel ng Philippine National Police (PNP) bilang bahagi ng pagsisikap ng gobyerno na alisin sa puwersa ng pulisya ang mga opisyal na sangkot sa illegal drug trade.

Hindi ligtas o kabilang sa pinagbibitiw maging si PNP chief, Police General Rodolfo Azurin Jr.

Sa isang press conference, nagpahayag ng pagkabahala si Abalos sa pagkakasangkot ng ilang matataas na opisyal ng pulis sa iligal na aktibidad.

“Ako ay nananawagan sa lahat ng full colonel hanggang sa general, ako ay umaapela na mag-submit ng courtesy resignation. Alam kong mabibigla kayo pero this is the only way to make a fresh start,” ayon kay Abalos.

Ayon sa kanya, mayroong higit o kulang 300 na full colonels at heneral sa puwersa ng pulisya.

“Sana lang susuportahan nila itong panawagan,” ani Abalos.

Isang komite na may limang miyembro ang magsusuri sa pagbibitiw ng mga nasabing opisyal ng PNP, ani Abalos.

Tumanggi siyang tukuyin ang mga miyembro ng komite ngunit sinabi niyang hindi siya kasama rito.

“Ito ay isang napakaradikal na hakbang, ngunit kailangan nating gawin ito,” sabi ni Abalos.

Nang tanungin kung may precedent ang kanyang aksyon, sinabi ni Abalos, dating alkalde ng Mandaluyong City, na ginawa rin ito noong 1992 sa ilalim ni dating Pangulong Fidel V. Ramos ngunit sa ibang isyu.

“Ginawa na ito noong 1992, if I’m not mistaken by General, President Ramos. Remember noong nagkaroon ng issue tungkol sa I think it was the uniform, pinag-resign nila,” ani Abalos.

PNP handang sumunod sa utos

Bilang tugon, sinabi ni PNP Public Information Office chief, P/Col. Redrico Maranan na tutuparin ng police organization ang apela ni Abalos.

“Kami po sa Pambansang Pulisya ay susunod at tatalima kung anuman po ang desisyon ng ating mga political leaders,” sabi ni Maranan sa reporters.

“Sapagkat alam po namin lahat ng mga desisyon na ito ay para sa ikabubuti ng aming organisasyon at ng ating bansa,” idinagdag niya. RNT/Nats Taboy