PNP: Parak na aksidenteng nakabaril sa kabaro, sinampahan ng kaso

PNP: Parak na aksidenteng nakabaril sa kabaro, sinampahan ng kaso

November 28, 2022 @ 11:24 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Sinampahan na ng reklamo ang isang pulis na aksidenteng napaputol ang kanyang baril, dahilan upang mamatay ang isa niyang kasamahan sa Laguna, ayon sa Philippine National Police (PNP) nitong Lunes.

“Nakapag-file na po tayo ng karampatang kaso at nakapagbigay na rin po tayo ng police assistance,” ani PNP officer-in-charge Police Lieutenant General Rhodel Sermonia sa isang press briefing.

Inihayag naman ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na nahaharap si Police Corporal George Mervin Cañete Duran sa kasong reckless imprudence resulting in homicide.

Nagkasa rin umano ng administrative case laban kay Duran.

“Reckless imprudence resulting in homicide po ang ikinaso dun sa pulis na aksidenteng nakabaril sa kapwa niya SWAT (Special Weapons and Tactics) po. And may admin case din siyang haharapin,” pahayag ni Fajardo.

Inilahad ni Duran na noong Nobyembre 23, nililinis nila ang service firearms para sa inspeksyon nang lapitan siya ng isang indibidwal at magpalitan ng baril.

Nang ibalik na ang kanyang baril, sinuri niya ito. Subalit, nang aalisin na niya ang load mula sa chamber, aksidenteng pumutok ang baril at tinamaan si Police Corporal Fhrank Aldene Yasay Dela Cruz sa kanang dibdib.

Agad na isinugod su Dela Cruz sa ospital, subalit idineklarang dead on arrival. RNT/SA