PNP: Pera pabuya sa tipster ‘di recycle na droga

PNP: Pera pabuya sa tipster ‘di recycle na droga

February 23, 2023 @ 12:46 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine National Police (PNP) noong Miyerkules, Peb. 22, na hindi ito nagbibigay ng anomang bahagi ng nasamsam na ilegal na droga bilang pabuya sa mga impormante nito sa bawat matagumpay na drug bust.

Ang pahayag ni PNP chief information officer Col. Redrico Maranan ay matapos ang pagbuking naman ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Virgilio Moro Lazo sa umano’y umiiral na sistema na pagbibigay umano ng 30% ng nasamsam na droga sa tipsters sa matagumpay na buy-bust operation.

“Una, iligal iyan dahil base sa ating mga batas, iyan (iligal na droga) ay bahagi ng ebidensya na dapat isumite sa korte para sa paglilitis,” ani Maranan. “At pangalawa, ano ang mangyayari sa iligal na droga na ibibigay bilang pabuya sa impormante,” dagdag pa niya

Sa panig ng PNP, sinabi ni Maranan na mayroon silang reward valuation system kung saan ang monetary amount na ibibigay sa mga tipsters ay nakadepende sa kanilang kontribusyon sa tagumpay ng anti-illegal drugs operations. RNT