PNP sa ‘di pagkulong sa SUV driver na nanuwag ng sekyu: ‘No legal grounds’

PNP sa ‘di pagkulong sa SUV driver na nanuwag ng sekyu: ‘No legal grounds’

June 16, 2022 @ 2:47 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) nitong Huwebes na walang legal na basehan para isailalim sa kanilang kustodiya ang driver ng SUV na sangkot sa hit-and-run incident noong nakaraang linggo sa Mandaluyong City dahil sa kawalan ng warrant of arrest.

Sa panayam sa radyo, ipinaliwanag ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na lampas na sa kontrol ng PNP kung magkakaroon ng out-of-court settlement sa pagitan ng magkabilang panig.

“To inform the public, the PNP has no legal grounds to take into custody itong suspect considering na wala pa namang warrant of arrest na na-issue sa kanya. Hindi na po ito subject for warrantless arrest dahil there’s already a considerable lapse of time from the time na nangyari ‘yung insidente,” ani Fajardo.

Sa kabila ng kawalan ng warrant of arrest, iginiit ni Fajardo na nangako si Atty. Danilo Macalino na ang suspek na si Jose Antonio Sanvicente ay haharap sa mga kaso at sasagutin ang mga akusasyon laban sa kanya sa isang pagdinig sa Biyernes, Hunyo 17.

Sumuko si Sanvicente noong Miyerkules sa PNP at humingi ng tawad sa biktimang si Christian Joseph Floralde, isang security guard na kanyang ginulungan.

Nauna nang kinasuhan ang suspek ng frustrated murder at pag-abandona sa sariling biktima.

Sa kabila ng pagtanggi ni Sanvicente sa mga alegasyon na siya ay gumagamit ng droga, sinabi ng kanyang abogado na hindi pa niya ito pinapayuhan na sumailalim sa drug test dahil traffic-related lamang ang mga kaso laban sa kanya.

Sinabi naman ni PNP officer-in-charge Lieutenant General Vicente Danao Jr., na kinukunsidera nila ngayon na “solved” na ang kaso dahil naisampa na ang mga reklamo at mismong ang suspek ay sumuko na. RNT