PNP sa mga magulang: Mga bata turuang sumunod sa health protocols

PNP sa mga magulang: Mga bata turuang sumunod sa health protocols

July 10, 2021 @ 2:56 PM 1 year ago


Manila, Philippines – Nagpaalala si Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar sa mga magulang na turuan ang kanilang anak ng health safety protocols sa gitna ng banta ng coronavirus disease (COVID-19).

“Kasama sa paglabas ng alituntuning ito galing sa IATF (Inter-Agency Task Force on the Management of the Emerging Infectious Diseases) ay ang mabigat na responsibilidad sa mga magulang na protektahan ang kanilang mga menor de edad na anak laban sa COVID-19,” lahad ni Eleazar.

“Nararapat lamang na sa murang kaisipan ng mga bata ay ipakita na natin ang pagiging responsable sa pagsunod ng minimum public health safety protocols upang maitanim na sa puso at isip nila ang pagsunod sa mga alituntunin bilang isang responsableng mamamayan.”

Maaalalang pinayagan na ng IATF na makalabas ang 5-anyos pataas partikular na sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine at Modified General Community Quarantine areas.

Hindi naman kasali rito ang Laguna at Cavite na nasa GCQ “with heightened restrictions.”

 “Kung may mga paglabag sa mga panuntuhan ay ang mga magulang ang siyang mananagot,” babala pa ni Eleazar.

 

“With this development, inaatasan ko ang lahat ng kapulisan na hindi lamang maging ehemplo sa pagsunod ng mga alituntunin laban sa COVID-19 kung hindi maging maingat sa pananalita at sa gawa sa mga magulang at iba pang taong may kasamang bata na lalabag sa health safety protocol.”

“Sa murang kaisipan ng mga bata ay ipakita na natin kung ano tunay na kahulugan ng pulis- tapat, magalang at may integridad. Ang sinumang lalabag ay mananagot sa akin,” lahad ng opisyal. RNT/FGDC