PNP sa publiko: Mga kriminal, mas aktibo sa maluwag na COVID restrictions

PNP sa publiko: Mga kriminal, mas aktibo sa maluwag na COVID restrictions

November 28, 2022 @ 1:26 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na mas paigtingin pa ang pag-iingat ngayong paparating na Kapaskuhan dahil nakikinabang din ang mga kriminal sa mas maluwag na COVID-19 restrictions.

Kasabay ng flag-raising ceremony nitong Lunes, Nobyembre 28 sinabi ni PNP officer-in-charge and Lt. Gen. Rhodel Sermonia na inaasahan na nila ang mas maraming selebrasyon at mga taong aalis sa paparating na holiday season lalo na sa mas maluwag na mga panuntunan kumpara noong 2020 at 2021.

Sa kabila nito, sinabi naman ni Sermonia na magandang pagkakataon din ito sa mga masasamang loob upang makapambiktima.

“In two days’ time, we will be entering the most-anticipated month of the year: December, the Yuletide month. Ramdam na ramdam natin ang papalapit na Christmas season, mahaba ang gabi, maiksi ang araw. We all miss this kind of celebration for two years because of the restrictions we imposed to protect our loved ones from COVID-19 pandemic,” aniya.

“We are finally free from the fear of getting seriously affected by COVID-19, but I guess we could be better if the people can also feel free from fearing crime. Alam natin na kasama sa pagkahulagpos natin sa pandemya, kasamang nagdiriwang ang masasamang loob sapagkat malaya na rin silang makakapang-biktima at makakasabay sa muling pagsigla ng ating ekonomiya,” dagdag pa nito.

Ani Sermonia, ito ang dahilan kung bakit mahigpit nilang sinusunod ang atas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. na maglatag ng mga pamamaraan upang masugpo ang kriminalidad.

“It is very timely that we go back to our proactive crime prevention efforts this Yuletide season. Tayo ay magkakaisa at magtutulungan na panindigan ang numero unong marching order ni Pangulong Bongbong Marcos at binitawang utos ng ating mahal na chief PNP, Gen. Rodolfo Azurin Jr., na ating palakasin ang mga crime prevention measures natin upang matugunan natin ‘yong fear of crime,” dagdag pa niya.

“Sa pagbalik ng masiglang pagdiriwang ng bansang Pilipino ng Kapaskuhan, gawin nating makahulugan na pa-Pasko sa ating mga kababayan ang maiiwas sila sa lahat ng masasamang loob na maaring maglipana kasabay ng paglabas ng mga kababayan natin sa sobrang excited na salubungin ang panahon ng Kapaskuhan,” pagtatapos ni Sermonia. RNT/JGC