PNP target gumawa ng listahan ng drug-free families

PNP target gumawa ng listahan ng drug-free families

February 20, 2023 @ 3:10 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Kasabay ng hangarin na sugpuin ang illegal na droga sa mga komunidad, nais ng Philippine National Police na maglunsad ng programa na mag-oobliga sa pagkakaroon ng imbentaryo sa mga drug-free families sa bansa.

Kasabay ng signing ng memorandum of agreement ng Kasimbayanan (Kapulisan, Simbahan at Pamayanan) program sa pagitan ng pulisya at ng lokal na pamahalaan ng Quezon City nitong Lunes, Pebrero 20, iginiit ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang papel ng pamilya sa war on drugs.

“Actually, nag-sta-start tayo dapat sa pamilya. We are intending nga to launch [an initiative] na magkaroon tayo ng imbentaryo sa bawat pamilya natin [..] Kung kaya natin ideklara na ang ating pamilya ay drug-free, we can find ways [to determine] ilan ba ang drug affectation natin sa bawat pamilya natin,” ani Azurin.

Maliban sa pagtukoy ng mga pamilyang apektado ng illegal na droga, ipinunto rin ni Azurin na dapat magkaroon ng ganito sa mga jail facilities, workspaces at educational institutions, “so we would know the correct interventions that we should do.”

Dagdag pa ni Azurin, hudyat ito ng pagpapatuloy ng drug war na inilunsad sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“There were lots of killings before. Iyong awareness ng bawat Pilipino ay nandoon na–mahigpit na ipinagbabawal ng anumang pamahalaan ang paggamit ng iligal na droga,” dagdag pa niya. RNT/JGC