PNP tiwala sa SIM registration na magpapababa sa cybercrime cases

PNP tiwala sa SIM registration na magpapababa sa cybercrime cases

January 1, 2023 @ 2:30 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Tiwala ang Philippine National Police (PNP) na mababawasan ang insidente ng online scam at hacking sa ipinapatupad na SIM card registration.

Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office chief Police Colonel Red Maranan nitong Linggo, Enero 1 sa panayam ng DZBB.

“Pagdating naman sa kriminalidad, kami ay umaasa talaga, ang PNP na itong registration ng SIM card ay malaki ang maitutulong nito sa pagsawata sa mga krimen na nangyayari sa cyberspace lalong-lalo na ‘yung mga online scam, mga hacking, identity theft,” aniya.

“Even ‘yung cellphone snatching, baka mawala po ‘yan kapag talagang fully implemented na ang sim card registration,” dagdag ni Maranan.

Kasabay nito, ipinag-utos na rin ni PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr. sa lahat ng mga tauhan nito at empleyado na iparehistro na rin ang kani-kanilang SIM cards.

Bago pa maging batas, suportado na ng PNP ang noon ay SIM Card Registration Act na malaking tulong umano na matunton ang mga kriminal sa mga isinasagawang imbestigasyon nang hindi lalabag sa personal privacy nito. RNT/JGC