PNP ‘WAG HULI NANG HULI BAKA SUMABIT SA HULI

PNP ‘WAG HULI NANG HULI BAKA SUMABIT SA HULI

February 15, 2023 @ 12:41 PM 1 month ago


MAKATOTOHANAN ang mga naging utos o sermon ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin “Boying”  Remulla sa  mga pulis na huwag basta -basta manghuli nang manghuli para lang masabing marami silang accomplishments.

Matagumpay ba ang kanilang laban sa lahat ng krimen sa bansa?

Naging tagapagsalita ang kalihim noong  ika-70 anibersaryo ng Criminal Investigation and Detection Group  ng Philippine National Police sa Camp Crame kaya sinamantala niya ang pagkakataong paalalahanan ang  mga pulis.

Napuna siguro ni Remulla na araw-araw ay ipinangangalandakan sa viber group ng  mga pulis ang kanilang mga huli ay isang buong araw, mula sa mga wanted persons,  pulis ang kanilang mga nahuli sa isang buong araw, mula sa mga wanted person, kampanya laban sa iligal na droga at sugal, at marami pang iba kaya nagsisiksikan ang persons deprived of liberty o PDLs sa iba’t ibang detention facilites, hindi lamang sa Metro Manila, kundi sa mga lalawigan.

Hindi makalulusot sa kalihim ang mga hinuhuling personalidad ng  pulis n na sangkot sa iba’t-ibang iligal na gawain kahit hindi niya i-monitor ang viber group ng pulis dahil dumadaan sa kanyang tanggapan ang mga kasong isinasampa ng pulisya sa kanilang mga  nadadakip.

Kaya siguro “nabuwisit” ng bahagya si Secretary Remulla, hindi dahil sa sipag at pagpupunyagi ng  mga pulis sa kaliwa’t kanang pagdakip sa mga hinihinalang sangkot sa iligal na aktibidad, kundi dahil sa karamihan ay nababasura lamang ang kaso bunga ng kakulangan sa ebidensiya.

Alam naman nating mabagal ang hustisya ating bansa. Ang mga nahuhuling naglalaro ng sugal lupa tulad ng cara y cruz  o nagtapon ng upos ng sigarilyo ay uugod-ugod na subalit nasa kulungan pa rin dahil nga sa hindi umuusad ang kaso.

May mga nahuli pang sangkot sa iligal na droga na napawawalang sala dahil nagkataong nasa lugar sila nang isagawa ang raid kaya pati sila ay nadarampot pero napapawalang sala rin kalaunan.

Sabi ni Remulla, dapat, hindi sa paramihan ng huli sa loob ng isang araw o sa loob ng isang buwan o taon ang ipangangalandakang accomplishment ng pulisya kundi ang dami ng mga nako-convict o nahahatulan ng korte dahil sapat ang ebidensiyang nakalap ng pulisya laban sa kanila.

Naalala ko tuloy na minsan ay may nakuhang promulgation ang mga reporter kung saan hinatulan ng 10-araw na pagkakakulong ang isang lalaking nagtapon lang ng upos ng sigarilyo pero nang ma-interview ang akusado, may utang pa pala sa kanya ang gobyerno dahil halos isang buwan na pala siyang nakakulong dahil sa bagal umusad ng usapin.

Pero nilinaw naman ng kalihim na hindi niya gustong panghinaan ng loob ang mga pulis sa panghuhuli kundi ang gusto lang niya ay ituon ng mga ito ang kanilang puwersa sa malalaking sindikato ng iligal na droga at hindi pa-isa-isa tapos maliliit pa.

Siguro naman, malinaw ang mensahe ni Remulla sa mga pulis na walang ginawa kundi manghuli lang nang manghuli para masabing maraming accomplishment gayung batid nila sa sarili nila na maibabasura lamang kalaunan ang kaso.

Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.