PNR ‘di alam kung saan huhugot ng pondo para sa ‘Libreng Sakay’ program

PNR ‘di alam kung saan huhugot ng pondo para sa ‘Libreng Sakay’ program

July 5, 2022 @ 9:30 AM 1 month ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine National Railways (PNR) nitong Lunes na hindi nito alam kung saan kukuha ng pondo para sa diesel fuel kapag umarangkada na ang “Libreng Sakay” program para sa mga estudyante sa susunod na buwan.

Ayon sa ulat, nagbabadyang malugi ang PNR management ng P8 milyon hanggang P9 milyon kada buwan mula sa implementasyon ng programa.

“Hindi katulad nila MRT na may guaranteed sila na subsidy galing sa gobyerno. Samantalang si PNR, tayo, ‘yung kinikita natin, pampasahod, pang-operational cost at saka mga pambili ng ating mga piyesa na mga outside sa General Appropriations Act,” ani PNR Assistant Manager Celeste Lauta.

Nauna nang ianunsyo ng Transportation Department na ipagpapatuloy nito ang “Libreng Sakay Program” ng nakaraang administrasyon sa EDSA Bus Carousel hanggang Disyemebre 2022.

Sinabi rin ng ahensya na magiging libre na rin ang pagsakay sa PNR, MRT-3, aat nd LRT-2 para sa lahat ng mga estudyante sa pagbabalik ng klase mula Agosto hanggang Nobyembre 2022.

Subalit ang programa ay bukas lamang sa mga nakatakdang oras.

“Baka mangyari kasi ‘yung mga estudyante natin kahit wala nang pasok eh, hindi pa uuwi,” ani Attorney Hernando Cabrera, LRTA Spokesperson.

Inilahad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na naglabas ito ng P1 bilyon para sa implementasyon ng libreng programa sa EDSA Bus Carousel mula Abril hanggang Hunyo 2022. RNT/SA