Poe dismayado sa NTC; na-block na scam messages 800 lang

Poe dismayado sa NTC; na-block na scam messages 800 lang

September 9, 2022 @ 1:56 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Lubhang dismayado si Senador Grace Poe sa National Telecommunication Commission (NTC) matapos matuklasan na umabot lamang sa 800 “personalized” text messages o cellphone number ang na-block na nagpapadala ng scam text at messages sa milyong-milyong subcribers.

Dahil dito, tiniyak ni Poe na kanyang huhukayin at puputulin ang ugat ng “personalized” text scam at iba pang modus operandi gamit ang social media platform upang mapanagot ang sinumang nasa likod nito.

Sa ginanap na public hearing nitong Huwebes ng Senate committee on public services sa subscriber identity module (SIM) card registration bill, nakita ni Poe na tanging public information lamang ang ginagawa ng NTC sa pagsasabi sa mga telcos na mag-isyu ng warning laban sa scams.

“Ano ang ginagawa nyo, meron ba kayong complaint hotlines. May nadakip o nahuli na ba kayo kahit isa,” tanong ni Poe kay NTC Commissioner Gamaliel Cordoba.

Sinabi ni Cordoba na nasa website ng NTC ang kanilang hotline.

“Hindi mo memorized ang hotline number n’yo? Kung hindi ninyo alam ang hotline number nyo, kami pa kaya. I’m very disappointed. If you were really serious about this issue, this would be at the top of your head and you would really tell the public that this is the number that you can call and text,” ayon kay Poe, na namumuno sa naturang Senate panel.

Muli pang nadismaya si Poe nang banggitin ng isang opisyal ng NTC na para sa 2022, umabot lamang sa 800 messages ang na-block ng ahensiya.

“Na-block namin ay 800. Hindi naming matunton ang number. Na-block naming sila sa pamamagitan ng telcos,” ayon kay Cordoba.

Tugon naman ni Poe sa pagsasabing,” “Ilan ba ang may cellphone, around 100 million; 800 lang ang na-block. This is so tragic.”

“Dalas-dalasan n’yo, sipagan n’yo ang pagbibigay ng order na mag-text sila (telcos) to warn subscribers,” aniya.

Nagpahayag din ng katulad ng pagkadismaya ni Poe si Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy sa kawalan ng pagkilos ng ahensiya na sugpuin ang mga scammer.

Iniulat ni Poe na lumagda ang DICT ng isang memorandum of agreement sa Ministry of Singapore na magbigay sa Pilipinas ng upgrading skills sa pagtugon sa cyberthreats.

“There is a serious capacity deficiency. Many of the first world countries have addressed several of these concerns. Many cyberscams are deeper than what they seem,” aniya.

Tinalakay ng imbestigasyon ang anim na panukalang bata sa Senado hinggil sa mandatory registration ng SIM Card kabilang panukala ni Poe. Ikinonsidera din ng lupon ang dalawang resolusyon na humihiling ng imbestigasyon sa tumataas na bialng ng text scams.

Bukod sa scamming, sinabi ni Poe na ginagamit din ang cellphone sa terrorist activities, pagkakalat ng fake news, trolls, cyberbullying at iba pang uri ng panloloko tulad ng phishing kaya nararapat nang maiparehistro ang SIM cards.

Inatasan din ni Poe ang iba pang ahensiya ng pamahalaan at telcos na ipaliwanag ang kanilang pagkilos na isinagawa upang labanan ang text scams.

“May nagawa na ba ang mga ahensiya tungkol sa mga database leaks tulad nito? May naparusahan na ba? Gawa kaya ito ng isang global syndicate? Paano at saan nila nakuha ang mga personal information tulad ng pangalan at numero? At ano ang proseso para sa mga gustong magreklamo?” tanong niya.

“Sa harap ng malikhain at makabagong panlilinlang sa makabagong panahon, hindi na totoo na walang biktima kung walang magpapabiktima. The burden should not be on the consumers to avoid clicking suspicious links or to avoid falling for scams. And the solution should not be just to block the unknown number,” giit pa ni Poe.

“The onus should also be with the telcos to ensure privacy of customer data, and on the government to plug the gaps and fully face the dangers in the current telecom system,” dagdag ni Poe. Ernie Reyes