Poe: Marcos dapat maglatag ng solusyon sa dambuhalang problema ng bansa sa unang SONA

Poe: Marcos dapat maglatag ng solusyon sa dambuhalang problema ng bansa sa unang SONA

July 21, 2022 @ 1:00 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Nahaharap si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa dambuhalang problema ng bansa kaya’t dapat mailatag ang lahat ng solusyon upang makaahon ang ekonomiya at mamamayan sa kahirapang sanhi ng pandemya at pagtaas ng halaga ng produktong petrolyo, ayon kay Senador Grace Poe.

Sinabi ni Poe na kailangan maglatag kaagad si Pangulong Marcos ng kongreto, kumprehensibo at epektong solusyon sa problemang kinaharap ng bansa.

“Sa kanyang kauna-unahang SONA, haharap ang Pangulo sa taumbaya na ginigipit ng sunod-sunod na mga hamong nangangailangan ng kongkreto, komprehensibo at epektibong mga solusyon,” ayon kay Poe.

Ayon kay Poe, lumiliit ang halaga ng piso kaya’t  nahihirapan ang mamamayan na makabili ng pagkain at pangunahing pangangailangan sa gitna ng mga pagtaas ng presyo.

“Sa pangunguna ng Pangulo sa Department of Agriculture, umaasa tayong magagawaran na ng sapat na pansin at pondo ang sektor para maiahon at maiangat ang output ng ating mga magsasaka at mangingisda na ating sandigan sa pagkamit natin ng seguridad sa pagkain,” ayon kay Poe.

“Ang gutom ay hindi dapat patuloy na dumurog sa ating pagsisikap na makabangon muli; lalong hindi nito dapat igupo ang pag-asa at kinabukasan ng mga batang pinakaapektado nito. Umaasa tayong ang feeding programs ng pamahalaan sa ilalim ng batas na ating ipinasa ay palalakasin at palalawakin upang marating ang lahat ng batang dapat maabot nito nang walang naiiwan,” dagdag ng mambabatas.

Ayon kay Poe, may halos tatlong milyong Pilipino ang walang trabaho, ayon sa pinakabagong datos ng gobyerno.

“Umaasa tayong ang Public Service Act na ating pinagpagurang ipasa ay gagamiting makina ng ating pamahalaan upang lumawak ang pamumuhunan at kompetisyon sa bansa, na lilikha naman ng mas maraming trabaho at mabuting serbisyong abot-kaya ng mga tao,” paliwanag ni Poe.

Aniya, habang hinihintay natin na makumpleto ang mga malalaking proyekto tungo sa mas mabisang mass transportation system sa bansa, umaasa tayong tutugunan ng pamahalaan ang pagdaragdag at pagpuno sa kakulangan ng masasakyan—lalo na sa harap ng nalalapit na pagbabalik ng face-to-face classes sa ating mga paaralan.

“Gayundin, umaasa tayong tutuon ang bansa sa pagpapabuti ng digital connectivity at e-governance upang matiyak na maaabot ng tulong ang ating mga kababayan kahit sa mga liblib na lugar. Ito ang panahon upang ang ating koneksyon sa internet ay maging maaasahan, mabilis at abot-kaya ng lahat,” ayon sa mambabatas.

“Nasa balikat ng Pangulo ang sama-samang pangarap at pag-asa ng milyun-milyong mga Pilipinong nagbigay sa kanya ng matibay na mandato para iahon sila sa kahirapan at bigyan ng mas maiging buhay,” patapos ni Poe. Ernie Reyes