Poe: May mananagot sa New Year’s glitch sa NAIA

Poe: May mananagot sa New Year’s glitch sa NAIA

February 21, 2023 @ 1:24 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Tiniyak ni Senador Grace Poe na may mananagot sa naganap na technical glitch noong Bagong Taon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bukod sa ilang rekomendasyon na nakatakda sa committee report na ipalalabas sa susunod na linggo.

Sa pahayag, sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public services na inihahanda ng komite ang pagpapalabas ng committee report sa isinagawang imbestigasyon sa airport system glitch sa susunod na linggo.

Ayon kay Poe, nakasentro ang report sa natuklasan ng komite ang tunay na nangyari sa insidente, kabilang ang rekomendasyon sa remedtyo sa sistema at posibleng pananagutan sa pagpapabaya at incompetence sa pamamahala ng system maintenance.

“There’s a confluence of factors that contributed to the glitch,” ayon kay Poe.

“This is a long-standing problem with the CAAP (Civil Aviation Authority of the Philippines) because it spans several administrations. The fact that it is allowed to operate without adhering to proper maintenance protocols is in itself a violation,” aniya pa.

Nagsagawa ng imbestigasyon ang komite noong nakaraang buwan upang matukoy ang pangunahing dahilan sa nangyaring technical glitch noong Bagong Taon matapos mag-shutdown ang management system ng CAAP.

Mahigit 600 flights ang nakansela sanhi ng technical glitch, may naantala at naibaling sa ibang lugar na lubhang nakaapekto sa mahigit 65,000 pasahero.

Nitong Pebrero 6, pinanguhana ni Poe ang inspeksiiyon sa air traffic managemenet center ng CAAP sa Pasay City na kung matatagpuan ang automatic voltage regulator na nagsusuplay ng kuryente sa traffic control system na hindi pa napalitan simula noong Agosto 2022.

Inihayag pa ni Poe na maglalaman ang committee report ng posibleng pagkilos ng Lehislatura upang palakasin ang CAAP at magkaroon ng sapat na pondo upang mapahusay ang maintenance system nito.

“There’s a proposal to put up an airport authority just like the ports authority so that CAAP will not be operating and doing the policies for running the airport at the same time,” aniya.

Aniya, kabilang ang legislative proposal ng komite ang pagpapabilis ng pagsasabatas ng panukalang paglikha ng National Transportation Safety Board na natatanging ahensiya na tututok sa lahat ng imbestigasyon sa lahat ng uri ng aksidente sa himpapawid, highway, riles ng tren, pipeline at karagatan.

Matagal nang isinusulong ni Poe ang paglikha ng NTSB sa pamamagitan ng batas upang pag-isapin ang nagkakapatong-patong na mandato ng ilang ahensiya ng pamahalaan na may kaugnayan sa transportation safety.

“The panel will also pitch to strengthen the CAAP by exempting it from certain regulations of government-owned and controlled corporations,” ayon kay Poe.

Inihayag din ni Poe na sakaling maisabatas ang panukala, hindi na sasakupin ng salary standardization law ang CAAP upang makapagbigay sila ng competitive salaries sa mahahalagang tauhan tulad ng engineers.

“The agency should be given more leeway to spend its earnings to improve its equipment and services,” ayon kay Poe. Ernie Reyes