Poe nabahala sa suspensyon ng ayuda sa tsuper sa Comelec ban

Poe nabahala sa suspensyon ng ayuda sa tsuper sa Comelec ban

April 4, 2022 @ 2:48 PM 3 months ago


MANILA, Philippines- Ikinabahala ni Senador Grace Poe ang suspensiyon ng pamimigay ng ayuda sa public utility vehicle driver at operator sanhi ng Comelec ban na lubhang magpapatindi sa hirap na binabalikat ng sektor kasama sa pagtaas ng halaga ng produktong petrolyo.

Sa pahayag, sinabi ni Poe, chairman ng Senate Committee on public services na lubhang nakababahala ang pagsuspinde sa pamimigay ng ayuda sa mga public utility vehicle (PUV) driver at operator habang patuloy silang kumakawag sa gitna ng mataas na presyo ng langis at bilihin.

Aniya, Simula nang ma-release ang P3 bilyong pondo, hindi pa man lang umabot sa kalahati ng tinukoy na 377,000 benepisyaryo ang nakatanggap na ng ayuda.

Dahil dito, nananawagan si Poe sa Commission on Elections na bilisan ang desisyon nito sa apela ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board para sa eksempsyon upang maipagpatuloy na ang pamamahagi ng tulong.

“Matagal nang hinihintay ng ating mga PUV driver at operator ang ayuda na ating pinondohan sa taunang budget,” giit ng mambabatas.

“Hindi natin maaaring sabihan na lamang ang ating mga kababayang hintayin nilang matapos ang eleksyon. Ang kumakalam na sikmura ay hindi nakapaghihintay,” dagdag ni Poe. Ernie Reyes