Poe, pabor sa pagsasapribado ng NAIA

Poe, pabor sa pagsasapribado ng NAIA

January 10, 2023 @ 7:30 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Napapanahon na isapribado ng pamahalaan ang modernisasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kasunod ng technical glitch pagpasok ng Bagong Taon na nagpalumpo sa paliparan ng bansa, ayon kay Senador Grace Poe.

Sinabi ni Poe na simula noong 2018, kanyang isinusulong ang pribatisasyon ng operasyon at pagmementeni ng pangunahing paliparan ng bansa upang tugunan ang kahusayan at kaligtasan na kailangan ng lumolobong bilang ng pasahero kada taon.

“Palagi natin isinusulong ang pribatisasyon hindi lamang ng traffic control system kundi ang paliparan mismo,” ayon kay Poe sa ginanap na television interview nitong Lunes nang tanunghin hinggil sa pangangailangan na isapribado ang NAIA.

Naalala ni Poe, chairperson ng public services committee ng Senado ang pag-uusap na nagsimula noong 2017 hinggil sa modernization project ng NAIA na hahawakan ng isang mega consortium na kinabibilangan ng pinagkakatiwalaang kompanya.

“Nakita nyo, kung igawad natin sa kanila noong 2018 o 2019? Sa panahon ng pandemya, maaaring ikalugi nito, pero madali nilang maisasagawa ang rehabilitasyon sa paliparan dahil walang masyadong aktibidad sa panahon na iyon,” ayon kay Poe.

Sana, ayon pa kay Poe, nagawa sa rehalibitasyon ang pagpapaunlad ng pasilidad ng paliparan at lumalawak na terminal.

Inihalimbawa ni Poe ang passenger terminal sa Mactan-Cebu International Airport na nakumpleto nitong 2018 kaya’t naging world-class ang paliparan na pawang modelo kung ano ang nagagawa ng pribatisasyon.

“Nakita natin ang halimbawang ito sa Cebu at naisip ko na naging maayos ang ginawa ng GMR Megawide Cebu Airport sa pagdedesenyo ng paliparan at pagpapatakbo ng operasyon nito,” ayon pa kay Poe.

“Naniniwala ako na napanahon ang pribatisasyon. Kailangan pa rin natin ang Bulacan airport dahil kahit anuman ang pagbabago na gawin sa terminal ng NAIA o sa Manila International Airport, hindi magkakaroon ng mas higit sa dalawang runways sa ngayon pero palagi din naman mapapaunlad ang kahusayan nito,” ani Poe.

Sa Enero 12, pangungunahan ng komite ni Poe ang imbestigasyon sa airport power outage na nagpahinto sa air traffic control ng NAIA, na nakapagpaantala sa mahigit 300 flights at na-stranded ang mahigit 65,000 pasahero.

Ayon kay Poe, inimbitahan sa pagdinig ang mga opisyal ng Department of Transportation (DOTr), Manila International Airport Authority at iba pang kinauukulang executives upang magbigay linaw sa pangyayari. Kabilang sa inimbitahan si dating DOTr Secretay Arthur Tugade.

“This did not happen overnight. Obviously, it stems from many years of transactions and maintenance upgrades. In fact, it’s not just singling out secretary Tugade, it’s also a chance for him also to be able to correct the impression that it was during his time that all these things may have been neglected,” ayon kay Poe.

Aniya, nakatuon ang imbestigastyon kung paano maiiwasan ang katulad na insidente na nagpapamahak sa kaligtasan ng pasahero.

“We want to know what the agencies plan to do so that this does not happen again. We should find out who are responsible. If there’s somebody whom we can call out, who may have been negligent, of course they have to be reprimanded if not fired,” giit ni Poe. Ernie Reyes