Poe sa LGUs: Vaccination card bantayan iwas-pirata

Poe sa LGUs: Vaccination card bantayan iwas-pirata

July 8, 2021 @ 3:00 PM 1 year ago


MANILA, Philippines – Hiniling ni Senador Grace Poe sa lahat ng local government units na tiyaking “guwardiyado” ang lahat ng sensitibong health data sa vaccination cards upang maiwasang mapirata ang kanilang impormasyon.

Sa pahayag, sinabi ni Poe na habang bumibilis ang pagbabakuna ng pamahalaan laban sa COVID-19, pinagkakatiwalaan natin ang LGUs na nakapaglikha ito ng sistema upang matukoy kung sino ang natapos ng una at ikalawang dose.

Aniya, maganda ang standard digital certificate na ipinamamahagi, dapat may integridad at proteksiyon ang paper record na ibinibigay sa taong bakunado laban sa manipulasyon at pang-aabuso.

“Dapat kasabay ang mahigpit na pagtatago ng  records at  dokumentasyon ng vaccination cards upang magarantiya na guwardiyado ang mga sensitibong health data ng ating mamamayan,” ayon kay Poe.

Ipinaliwanag pa ni Poe na sa ilalim ng Vaccination Program Act na pinagtibay ng Kongreso, hindi lamang layunin nito na mapabilis ang pagbili ng bakuna kundi matiyak ang mahusay na implementasyon ng kabuuang ng inoculation process kabilang ang pagbibigay ng vaccination card.

“Gumagampan ng mahalagang papel ang  vaccine card sa pagbubugay ng global connectivity, pagsasaasyos ng pagbiyahe at trabaho, at pagpapasigla ng ekonomiya na makatutulong upang ating pagbabangon,” ayon kay Poe. Ernie Reyes